Mas pagagandahin pa ng Philippine Sports Commission (PSC) ang grassroots sports development program nito sa pamamagitan ng mas pinahusay na edisyon ng Batang Pinoy 2025 na gaganapin mula Oktubre 25 hanggang 30 sa General Santos City. Layunin nitong mas lalo pang makahikayat ng mga kabataan na lumahok sa sports at tuklasin ang kanilang potensyal sa larangan ng sports. Isinusulong din ng PSC ang mas organisado, mas inclusive, at mas engrandeng paligsahan sa taong ito.Ayon kay PSC chairman Richard Bachman, ang edisyon ng Batang pinoy sa taong ito ay magtatampok ng mga kompetisyon sa 27 sports kabilang ang aquatics-swimming, archery, arnis, athletics, badminton, basketball (3×3), boxing, chess, cycling, dancesport, futsal, gymnastics, jiu jitsu, judo, kickboxing, karate, muay, pencak, soft tennis, tennis, tennis, table takraw weightlifting, wrestling at wushu.Ayon pa kay Bachman, mas maraming sports events at categories at mga modernong kasangkapan at pasilidad ang kanilang inihanda at inaayos na rin nila umano ang mga logistics at accomodations para sa mga atletang lalahok sa Batang Pinoy. Tututukan din umano ng PSC ang mas pinalawak na partisipasyon ng iba’t-ibang rehiyon sa bansa gayundin ang pinakamahalaga dito ay ang values formation discipline at sportsmanship. “Our main objective for this year’s Batang Pinoy is to provide the delegates an excellent experience as if they are already competing in a global level of competition they usually see in televisions and social media,” ani Bachman. Sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, paaralan, at sports organizations, umaasa ang PSC na ang Batang Pinoy 2025 ay magiging turning point para sa mas matatag na kinabukasan ng Philippine sports.