Boxing: World titles ni Naoya Inoue matagumpay na nadepensahan vs. TJ Doheny (Laro Pilipinas)
Matagumpay na nadepensahan ni Japanese Boxing Champ Naoya Inoue ang kaniyang mga titulo laban kay TJ Doheny ng Ireland.
Nanalo si Inoue via TKO sa ika-7 round ng kanilang laban sa Tokyo, Japan nitong Martes.
Biglang nahinto ang laban ng dalawa nang biglang nagsimulang lumayo si Doheny sa ikapitong round, na tila nasugatan ang kanyang balakang at kinailangan na siyang tulungan sa ring ng kanyang koponan.
Hawak ni Doheny ang IBF super bantamweight world title mula noong 2018 hanggang 2019 at mayroon nang boxing record ngayon na 26-5 win loss kung saan 20 sa mga panalo nito ay knockout.
Si Inoue naman ay may boxing record na 28-0 win-loss kung saan 25 sa mga ito ay winner by knockout.
Sa kasalukuyan siya ang pangalawa sa mga boksingero na nag kampeon sa buong mundo na may dalawang magkaibang timbang mula noong nagsimula ang four-belt era noong 2004 kung saan ang Amerikanong boksingero na si Terrence Crawford ang nauna rito.
Nitong nakaraang Mayo, natalo ni Inoue ang Mexican boxer na si Luis Nery via TKO sa ika-anim na round ng kanilang laban sa pamamagitan ng right hook.