Exclusive: Paano nga ba ang buhay ng isang Lady Referee sa PBA?

Editorial Team, Laro Pilipinas
In photo: Janine Nicando/Banner by: Laro Pilipinas

Noong 2016, ginulat ni Janine Nicandro ang mga basketball fans ng Pilipinas nang siya ay maging kauna-unahang babaeng referee na nag-officiate ng laro ng Philippine Basketball Association.

Si Janine, na siyang kilala ng PBA teams bilang “Referee #41”, ay isang proud daughter ng Pagsanjan, Laguna.

Sa eksklusibong panayam ng Laro Pilipinas, ibinahagi ni Janine ang kanyang journey bilang isang referee - ito ay nagsimula noong pumunta siya sa Maynila kasama ng kanyang best friend na si Marilee na siya namang naging ikatlong babaeng referee ng liga.

Nag-desisyon silang pumunta sa Maynila para makalabas daw sa kanilang comfort zone at magkaroon ng mas maayos na income para sa kanilang mga pangarap sa buhay.

“Pumunta ako sa Manila kasama si Ate Mao (Marilee) Orioste. Nag-attend kami ng training kasama yung iba pang female applicants. Sina Ayeez Ceballos, Jill Santiago, Faye Tria, at Ma’am Edith Boticario,” kwento ni Nicandro sa Laro Pilipinas.

Kasama sila, nagpatuloy sa training camps si Janine para mas lalo pa magkaroon ng malalim na kaalaman sa pag-officiate ng basketball games - bagay na naging daan para unti-unti niyang akyatin ang rurok ng tagumpay.

Nagsimula ang kanyang officiating journey sa PBA D-League academy noong 2014 bago siya ma-promote sa pro league makalipas ang dalawang taon.

Sa kanyang unang salang sa officiating sa isang official PBA game, nakaramdam siya ng iba’t-ibang emosyon.

“Kinakabahan pero excited. Yung flooring para bang umaalon pero sabi ko kailangan maibigay ko yung best ko. Sobrang blessing na mabigyan ng opportunity na maging first-ever PBA referee kasi kamasa ka nasa history, so ayun gusto ko din mag-iwan ng legacy by setting excellent standards. Gusto ko din kasi maging inspiration sa mga kababaihan na if I can do it, they can do also,” ayon kay Janine.

Sinabi din na para siyang nasa cloud nine noong una nya maranasan ang mag-referee sa pro league.

“Masaya ako at thankful na yung pangarap ko natupad pero di pa rin fulfilled kasi alam ko mas marami pa dapat matutunan along the way.”

Nakapag-officiate si Janine hindi lamang sa iba’t-ibang game venues sa Metro Manila kundi pati na sa mga probinsya kapag mayroong PBA on Tour. Naging parte din siya ng team na ipinadala sa Dubai noong nagkaroon ng PBA games doon.

“Mas nakaka-excite kapag out-of-town. Iba yung atmosphere. Yung crown was warm sila at mas intense lalo na kapag nakita na nila mga favorite players nila. As an official, ramdam mo din yung energy nila,” pagsasalarawan ni Janine sa kanyang PBA on Tour experience.

Malaki rin ang pasasalamat niya sa PBA nang siya ay kasama sa Dubai delegation noong 2019 lalo na at yun din ang una niyang paglabas ng bansa.

“Hindi ko ine-expect na makakasama ako sa pool of referees na ipapadala sa Dubai. Kaya sobra akong na-surprise at na-excite. Thankful ako na isa ako sa napili. Yun din kasi ang una kong travel abroad kaya I really consider this job as a blessing.”

TIME OUT

Gayunman, ang patuloy na pagpupursigi ni Janine sa kanyang mga physical training at activities ay nakaapekto na rin sa kanyang kalusugan.

Tulad din mga manlalaro, ang mga referee ay prone din sa injuries at hindi nga rin naikawas dito si Janine. Nagkaroon siya ng complete ACL tear noong August 18, 2023 na nag-sideline sa kanya ng 10 buwan.

Naka-schedule si Nicandro ng operation noong ding buwan na iyon ngunit hindi muna niya ito tinuloy sapagkat gusto pa rin niya gampanan ang tungkulin niya sa World Cup.

Na-assign siya bilang Liaison Officer sa FIBA World Cup na ginanap dito sa Pilipinas noong August 2023. Nag-assist si Janine hindi lamang sa Philippine team, kundi pati na rin sa mga delegasyon ng international teams..

Matapos ang obligasyon niya sa World Cup, nagpa-opera na siya ng kanyang tuhod noong September 19.

Sa pinaka-down moment ng kanyang career, sinuportahan si Janine ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Nakatulong din ito upang magpursigi pa siya na magpagaling agad at mangarap pa sa panibagong yugto ng buhay.

“Si Mommy, Mercy Nicandro at yung family namin lagi sila nandiyan para sa akin,” ayon kay Janine.

“Everyday, si Mommy inaalagaan ako at nag-asikaso ng mga kailangan ko. Si Mommy Mercy saka si Theresa, sila yung lagi sumasama sa akin sa clinic. Si Ate Mao, kahit retired na, patuloy pa rin pagtulong at suporta sa akin tulad nung PBA days namin. Partner ko talaga siya kahit san. We are really best of friends. Yung mga housemates ko, naka-support pa rin sa akin sa recovery journey ko - yung sister kong si Joyce at friend namin na si Ma’am Menic,” patungkol ni Janine sa mga taong sumuporta sa kanya.

THE BOUNCE BACK

Tila parang player din ang bounceback ni Janine mula sa kanyang injury. Matapos magpahinga mula sa operasyon, nagsimula na si Janine sa kanyang therapy sessions sa Cardinal Santos Hospital at Peak Form BGC. Nagsimula na rin siya mag work-out sa gym na malapit sa kanila.

“Alam mo, kapag nasa recovery stage ka dapat yung mental health mo okay rin. Iyong desire mo sa puso mo na magpatuloy nandoon pero you can’t do so much yet kasi nga masakit pa rin saka parang back-to-zero ulit.”

Mahirap man para sa kanya na magkaroon ng ganyang klaseng setback, puno pa rin ng gratitude ang lady referee na patuloy nangangarap at nag-e-envision ng better future.

“Mahirap pero super thankful sa support system ko. Sa tingin ko, naging mas optimistic ako kasi gustung-gusto ko makabalik sa officiating. Pangarap ko kasi hindi lang yung makabalik sa PBA, kundi maging International Referee din one day - isa yan sa nagbibigay ng burning passion sa puso ko.”

Sa ngayon, si Janine lamang ang nag-iisang female referee na nag-officiate sa PBA, sapagkat ang kanyang bestfriend na si #42 - si Marilee - ay nag-retiro na sa professional officiating noong Abril.

LIFE ON THE SIDELINES

Ibinahagi rin ni Janine sa Laro Pilpinas ang impact sa buhay niya ng pagiging PBA referee.

Sa isang dekada niyang pag-re-referee (8 taon sa pro), na-realize niya mahaba-habang daan na ang kanyang nilakbay kaya’t kailangan niya mag-expand ng kanyang horizon kaya’t nangangarap na siya ngayon na mahing international referee habang ginagawa ang trabaho bilang PBA official at nag-explore ng iba pang mga oportunidad na maaring makatulong sa kanyang maging better.

“Ang pag-re-referee, hindi siya yung normal na 8-hour work. Dapat lagi kang at your best, bigay mo yung highest quality of work sa 2-4 hours na pagtakbo sa court. At dapat nasa top shape ka parati bago ka sumalang,” paglalarawan ni Janine sa work ethics na dapat meron ka bilang isang referee.

“Being a referee is a lifestyle, way of life mo na rin siya. Dapay aligned ang lahat - mentally, physically, psychologically, and even spiritually. Dapat din lagi kang healthy,” dagdag pa niya.

Noong tinanong ng Laro Pilipinas si Janine kung ano ang kanyang advice sa mga kababaihang gustong sumunod sa kanyang yakap, sinabi niya ang mga ito:

“Kapag PBA referee ka, you have to stay focused, be in the present. Huwag mo hayaan na guluhin yung isipan mo ng mga distractions. Always give your best shot. Kailangan mo din talagang alagaan ang pangangatawan mo.”

“You should always remember the word respect. Respect everyone around you and always give respect to yourself too.” pagtatapos ni Janine.

“Always remember lahat tayo ay may calling, kailangan mo lang mahanap yung para sa iyo.”