PH para swimmer Angel Otom natapos sa 6th place
Naipamalas ni Filipina tanker Angel Mae Otom ang kanyang galing sa kanyang kauna-unahang Paralympic stint matapos makamit ang ikaanim na pwesto sa finals ng women’s 50-meter backstroke S5 na ginanap sa Paris La Defense Arena noong Miyerkules ng madaling-araw, Setyembre 4 (Philippine time).
Nakapagrehistro si Otom ng 44 seconds, mas mabilis ng 0.3 kaysa sa nairecord niyang oras mula sa qualifying heats, upang makapwesto ng 6th sa walong finalists kung saan China ang namuno.
Ang reigning world champion at world record holder na si Lu Dong ang nakasungkit ng ginto matapos niyang makapagtala ng oras na 37.51 seconds. Ito ang pangalawang ginto na kanyang nakamit sa loob ng kanyang pitong taong career.
Samantalang si He Shenggao naman ang nakapanalo ng silver na may oras na 39.93 habang si Liu Yu naman sa bronze na may naitalang oras na 42.37 seconds.
May pagkakataon pang makasungkit ng medalya ang seven-time ASEAN Para Games gold medalist kapag bumalik siya sa aksyon sa Biyernes, Setyembre 6, para sa women’s 50-meter butterfly S5 event.