Unang MVP trophy ni Fajardo ipapasubasta para sa mga biktima ng Tino

Ipapasubasta na ni nine-time PBA MVP June Mar Fajardo ang kaniyang unang MVP trophy para magpa-abot ng tulong sa mga kababayan nito sa Cebu na nasalanta ng Bagyong Tino.
Ayon kay Fajardo, pinili nito ang unang MVP trophy dahil ito ang resulta ng kaniyang pagsusumikap sa paglalaro ng basketball.
“Yung trophy na ’yon, espesyal sa akin kasi years of hard work ’yon. Pero mas espesyal sa akin ang mga Cebuano,” ani Fajardo.
Labis din na nalungkot si Fajardo sa sinapit ng kaniyang mga kababayan sa Cebu lalo na ang mga nawalan ng tahanan, ng ikabubuhay, at ng minamahal sa buhay.
Hinimok din nito ang mga Cebuano na patuloy na magdasal at umasa sa tulong na magmumula sa Diyos at huwag mawalan ng pag-asa.
“Masakit makita na ang daming nawalan — bahay, hanapbuhay, at pamilya. Alam kong mahirap bumangon, pero tiwala lang tayo, pray lang tayo kay God. Magpo-provide naman si God para sa atin.” ani Fajardo.






















