Sta. Rosa Wrestling Team, humakot ng medalya sa Batang Pinoy 2024

Humakot ang Santa Rosa Wrestling Team ng Santa Rosa, Laguna ng kabuuang 12 medalya sa katatapos na 2024 Batang Pinoy na ginanap sa Mendoza Park sa Puerto Princesa, Palawan.
Nakasungkit sila ng pitong ginto, tatlong silver, at dalawang bronze para tapusin ang kanilang stint sa Palawan edition ng Batang Pinoy 2024.
Nanguna sa listahan si El John Ponting na may dalawang gintong medalya nang manalo ito sa Greco Roman (32kg) at FreeStyle Wrestling (32kg) sa 12-13 taong gulang na kategorya.
Si Ponting ay tinanghal ding back-to-back Best Player sa kanyang age category noong 2023 at ngayong 2024 sa Batang Pinoy.
Bukod kay Ponting, tatlo pang Lagunense ang nakakuha ng ginto sa Greco Roman Wrestling: sina Mark Kevin Ines (48kg) at Ian Kurl Jasminez (57kg) ang nanalo sa kategoryang 14-15 taong gulang, habang si Kristian Jay Beato ang nanguna naman sa 16-17 taong gulang na grupo.
Ang iba pang gold medalists ay sina Jhea Mae Aban (46kg) at Marlyn Babor (61) na parehong nanalo ng ginto sa ilalim ng 16-17 years old category sa Women's Wrestling.
Isa pang milestone na nakuha nila sa Greco Wrestling ay ang mga silver medals na nasungkit naman nina Jhon Dave Bilangel (44kg) at John Rafael Gomez (57kg) sa 14-15 years old class. Nakakuha din si Gomez ng silver sa Freestyle.
Ang nagtapos sa paghakot ng medalya ay ang mga bronze medals na nakuha naman nina Bilangel at Ines para sa Freestyle Wrestling.
Matapos makakuha ng 12 medalya kasama ang kanilang coach na si Johnlyn Aban at trainer Michael Baletin, sinabi ni team trainer Efrelyn Calitis na: "Walang imposible sa taong may pangarap, dapat sa bawat laro o ensayo natin iisa lang tayo ng goal.”
