Ernie Gawilan bigong makakuha ng medalya sa 400m freestyle final

Karen Ann Mantukay
PHOTO COURTESY: 2024 PARALYMPICS

Tinapos ni Ernie Gawilan ang kanyang pangatlong Paralympic stint pagkatapos niyang bigong makapasok sa podium finish ng men’s 400-meter freestyle S7 finals round na ginanap sa Paris La Defense Arena Lunes ng gabi, Setyembre 2 (Philippine time).

Naging mailap ang pagkamit ng medalya para sa two-time gold Asian Para Games medalist nang siya ay natapos sa ika-anim sa pwesto na may registered time na 5:03.18.

Nakuha ni Federico Bicelli ng Italy ang gintong medalya matapos makapagrehistro ng 4:38.70 finish. Habang si Andrii Trusov naman nakapagkamit ng silver medal na may oras na 4:40.17 at ang oras na 4:40.27 ni Inaki Basiloff ng Argentina ang nakapagpanalo sa kanya ng bronze medal.

Si Gawilan ang pangatlong Filipino athlete na e-exit sa Paralympics kasunod nina para archer Agustina Bantiloc at para taekwondo jin na si Allain Ganapin.

Dahil sa pagkawala ni Gawilan sa medal contention, ang Philippine delegation ay ngayo’y nasa tatlo na lamang — si Jerrold Mangliwan (men’s 100m T52), si Cendy Asusano (women’s javelin throw F54), at si Angel Otom (50m backstroke S5 and 50m butterfly S5).