Blackwater layuning sungkitin ang ikalawang panalo kontra Phoenix
Susubukan ng Blackwater Bossing na makuha ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa PBA Season 49 Governors’ Cup sa pagharap nila sa wala pang panalong Phoenix Fuel Masters ngayong Martes, September 3, 5 pm sa Smart-Araneta Coliseum.
Sa nakaraang laban ng Bossing, pinadapa nila ang Barangay Ginebra sa score na 95-88 sa pangunguna ng kanilang bagong import na si George King.
Nagtala si King ng game-high na 33 points at humakot ng 19 rebounds, kaakibat ng 2-of-6 mula sa four-point area at 3-of-4 sa three-point zone sa kanyang unang laro sa PBA.
Samantalang ang Fuel Masters na kasalukuyang may 0-3 na kartada ay naghahanap ng kanilang unang panalo sa torneo.
Umaasa si Phoenix coach Mike Jarin na ang kanilang bagong import na si Brandone Francis ang magiging susi sa upang makamit ang unang tagumpay nila ngayong season.
"Iyon lang talaga problema ko, import," ayon kay Garin. "In the three games na talo natin, panay okay naman laro ng locals," dagdag pa niya.
Bagamat parehas na bago ang mga reinforcement ng dalawang koponan, inaasahan pa ring malaki ang magiging ambag ng local crew sa laban.
Sa Blackwater, kailangan muling kumayod nina No. 2 overall draft pick rookie Sedrick Barefield, veteran forward Troy Rosario, at young guns na sina Christian David at James Kwekuteye upang makamit ang ikatlong sunod na panalo.
Samantalang aasa naman ang Fuel Masters sa kanilang mga consistent contributors na sina Tyler Tio, Jason Perkins, Kenneth Tuffin, at ang patuloy na nag-i-improve na si Kai Ballungay para makatulong sa kanilang bagong import na makuha ang unang panalo sa conference.