Wushu, jiu-jitsu, karate ibinalik na uli sa SEA Games

Rico Lucero
photo courtesy: agatha wong images

Magandang balita para sa mga Pinoy athlete na sasabak sa South East Asian Games sa susunod na taon ang muling pagbabalik ng tatlong sports disciplines sa 33rd SEA Games sa Bangkok, Thailand.

Ito ay ang mga sports na wushu, jiu-jitsu at karate na malaki ang naging kontribusyon sa bansa sa mga nakalipas na edisyon ng SEA Games at Asian Games. 

Kabilang din sa mga sports na ibinalik ay ang cricket, tenpin bowling at sport climbing. Ngayong buwan naman, sa isasagawang pagpupulong ng mga miyembro ng Southeast Asian Games Federation Council, inaasahan na maisasapormal na ang magiging programa ng SEA Games para sa susunod na taon. 

Matatandaang noong nakaraang taon ay nakasungkit ng gintong medalya sina Meggie Ochoa at Annie Ramirez sa 2023 Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China. 

Nakasungkit din ng ginto ang Pilipinas sa karate mula kina Sakura Alforte at Jamie Lim sa SEA Games gayundin si Agatha Wong sa wushu. 

Nakasungkit din ng gintong medalya sina Marc Alexander Lim at Kaila Napolis noong 2023 SEA Games sa Phnom Penh, Cambodia. Kung kaya hindi na nakapagtataka na malakas ang Pilipinas sa larong jiu-jitsu, wushu at karate. 

Una nang sinabi ni Philippine Olympic Committee head Abraham ‘Bambol’ Tolentino na iaapela nito sa Southeast Asian Games Federation Council na huwag tanggalin sa programa ng SEA Games ang mga nabanggit na mga sports. 

Sa isasagawang pagpupulong nila ngayong Oktubre ay muli nito isusulong na maibalik na ng lubos sa calendar of activities ang mga nasabing sports kasama na ang weightlifting.