Terafirma Dyip, may pagbabago na sa Ilalim ni Coach Ronald Tubid

Bagama’t hindi pa nakukuha ng Terrafirma Dyip ang inaasam na resulta sa bagong yugto ng kanilang kampanya, naniniwala si head coach Ronald Tubid na may malaking pagbabago na sa pananaw ng ibang koponan sa kanila.
“At least ‘yung ibang teams, ang tingin nila sa amin ngayon, kapag papatay-patay sila, may kalalagyan sila,” ani Tubid. “Kahit paano, kahit natatalo, alam mong kaya. Hindi tulad dati na pagdating ng laro, tingin ng ibang teams, sure win na sila. Nabibigla na namin ngayon ibang teams.”
Sa kabila ng tatlong sunod na talo na naglagay sa kanila sa 1-4 record, ipinakita ng Dyip na kaya nilang makipagsabayan sa malalakas na koponan.
Bilang patunay, binanggit ni Tubid ang mga laban kontra Magnolia Hotshots at Rain or Shine Elasto Painters, kung saan muntik nang makasilat ang Dyip bago lamang kumawala ang kalaban sa huling yugto ng laro—sa tulong ng mga big plays nina Mark Barroca at Santi Santillan.
“Lahat ng tira nila pasok. Saka wala ka nang mahugot, e,” ani Tubid.
Malaki rin ang naging pagbabago sa roster ng Terrafirma ngayong season matapos mawala sina Terrence Romeo, Vic Manuel, at Stanley Pringle, kapalit ng mga bagong pwersa tulad nina Jerrick Ahanmisi, Aljon Mariano, at Maverick Ahanmisi.
Darating din sa koponan sina Geo Chiu at Shawn Umali mula sa Season 50 Draft, habang inaasahang makakabalik si Kemark Carino matapos magpagaling sa ACL injury — dahilan para mas lumaki at lumakas ang frontline ng kanilang koponan.
“Kasi ‘yung pace ng laro namin mabilis, kasi hindi naman kami ganoon kalalaki. Kaya kailangan mabilisan, ikot lang ng ikot bola,” paliwanag pa ni Tubid. “Pero kailangan organized kahit takbuhan, hindi bara-bara. Kailangan din hindi individual lang didepensa, dapat buong team.”
Sa kabila ng mga pagkatalo, malinaw na ipinapakita ng Terrafirma Dyip na ang bagong yugto sa ilalim ng pamumuno ni Coach Ronald Tubid ay nagbubunga na ngayon ng pag-asa, disiplina, at respeto mula sa mga kalaban nito sa PBA.






















