PBA handa nang tumanggap ng aplikante para sa 2025 Rookie Draft

Bukas na ang tanggapan ng Philippine Basketball Association (PBA) para sa mga nagnanais na makapasok sa kauna-unahang pay-for-play league sa Asya.
Maaaring makakuha ng application form sa PBA office ang mga gustong mag-apply para sa 2025 Rookie Draft bago magbukas ang ika-50 season ng liga sa October 5, 2025.
May tatlong linggo ang mga aplikante—mula August 4 hanggang August 29—upang maipasa ang kanilang mga requirements at maging bahagi ng draft proceedings sa September 7.
Narito ang mga kailangang isumite upang makapag-apply sa PBA Draft:
Para sa local players:
- Dalawang (2) piraso ng 2x2 ID pictures
- Orihinal na kopya ng PSA birth certificate
- School records (kung 19 years old)
- Kumpletong application form
Para sa Fil-foreign players:
- Valid Philippine passport
- School records (kung 19 years old)
- Dalawang (2) piraso ng 2x2 ID pictures
- Kumpletong application form
Kinakailangang isumite ng mga sasali ang notarized form at kumpletong requirements sa PBA office sa Libis tuwing Lunes hanggang Biyernes.
Ngayong nasa ika-40 taon na mula nang simulan ang Rookie Draft noong 1985, patuloy pa rin itong nagsisilbing daan upang matuklasan at maipakita sa liga ang mga susunod na henerasyon ng mga basketball superstars.
Sino ang susunod sa yapak nina Justin Baltazar, Stephen Holt, Brandon Ganuelas-Rosser, at Joshua Munzon—ang mga first overall draft pick sa nakalipas na apat na taon?
