Meralco Bolts, sasabak muli sa EASL sa ikatlong pagkakataon

Nag-qualify na ang Meralco Bolts bilang nag-iisang kinatawan ng Philippine Basketball Association (PBA) para sa 2025–26 season ng East Asia Super League (EASL).
Sa ikatlong pagkakataon, muling sasabak ang Bolts sa prestihiyosong regional tournament. Isa rin itong makasaysayang tagumpay para sa koponan, dahil sila pa lamang ang ikatlong club team na makakalahok sa EASL ng tatlong sunod na beses—kasunod ng Ryukyu Golden Kings ng Japan at New Taipei Kings ng Chinese Taipei.
Unang sumabak ang Meralco sa inaugural season ng EASL noong 2023–24, kung saan una nilang naranasan ang matinding kompetisyon sa international stage. Ang karanasang iyon ang naging inspirasyon at pundasyon sa kanilang kauna-unahang PBA championship—ang 2024 Philippine Cup—na siya ring naging susi para sa kanilang pagbabalik sa EASL sa ikalawang pagkakataon.
Sa 2024–25 season, ipinakita ng Bolts na kaya nilang makipagsabayan sa mga top teams ng rehiyon. Nagsimula sila sa gitna ng season na may 2-1 record, matapos ang panalo kontra Macau Black Bears at Busan KCC Egis ng Korea. Gayunpaman, nabigo silang umabante sa postseason matapos matalo sa huling tatlong laro—kabilang na ang double-overtime heartbreaker kontra New Taipei Kings, na kalauna’y nagtapos sa ikatlong pwesto.
Kumpleto na ang walong koponan para sa susunod na season, at nakapuwesto ang Meralco sa Group B. Makakaharap nila dito ang pamilyar na kalabang Macau Black Bears, ang semifinalists na Ryukyu Golden Kings at Taoyuan Pauian Pilots ng Taiwan.
Sa kanilang ikatlong sunod na EASL stint, dala ng Meralco Bolts hindi lang ang bandera ng PBA, kundi pati na rin ng Pilipinas. Lalo’t mas may karanasan na ang koponan, asahan ang mas matinding laban at mas mataas na ambisyon para sa panibagong tagumpay sa international stage.
