GIlas Pilipinas sisimulan na ang ensayo sa Nobyembre 18

Plano ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na simulan na agad ang ensayo ng kanilang koponan sa Nobyembre 18 bilang paghahanda sa unang window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ayon kay Cone, sapat na ang 10 araw na ensayo bago sumabak ang Gilas sa kanilang unang laban sa Nobyembre 28 kontra Guam sa Mangilao, Guam.
Pagkatapos nito, muling maghaharap ang dalawang koponan sa Disyembre 1 sa Blue Eagle Gym, ng Ateneo de Manila University, sa Quezon City.
Ito ang unang pagkakataon na muling magsasama-sama ang mga manlalaro ng Gilas matapos ang kanilang kampanya sa FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.
Posible ring isagawa ng Gilas ang kanilang ensayo sa Blue Eagle Gym upang masanay sa mismong venue ng kanilang home game.
Bukod pa rito, mayroon din silang alternatibong lugar kung saan sila maaaring mag-ensayo, ito ay ang Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna, na karaniwan na nilang ginagamit sa mga nakalipas na training camps.
Inaasahang makukumpleto na din ang lineup ng Gilas sa takdang petsa, dahil papayagan ang mga overseas-based players na umuwi upang mag laro para sa bansa sa mga FIBA-sanctioned events.






















