PSC Chair Patrick Gregorio pamumunuan ang bagong tatag na NST-IAC

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman John Patrick Gregorio bilang pinuno ng National Sports Tourism Inter-Agency Committee (NST-IAC) sa bisa ng Administrative Order No. 38 na nilagdaan nitong nakaraang Oktubre 29, 2025.
Pamumunuan ni Gregorio ang komite bilang chairman, kasama ang Department of Tourism (DOT) bilang vice-chairperson, at mga kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Budget and Management (DBM), Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bilang mga miyembro nito.
“Sports can enable the youth, enable regional development, enable tourism, and enable new industries,” ani Gregorio.
Layunin ng bagong tatag na komite na itaguyod at paunlarin ang sports tourism sa bansa — pinagsasama ang palakasan at turismo bilang mga pangunahing tagapagtaguyod ng ekonomikong pag-unlad, pagsasanay at pagpapalakas ng kabataan, at pagpapakilala ng husay at galing ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.
“This initiative recognizes how sports can inspire communities, drive regional progress, and showcase Filipino excellence on the global stage,” dagdag pa ni Gregorio.






















