NLEX, Blackwater panalo sa pagbubukas ng Kadayawan Tournament

Magandang simula ang ipinakita ng NLEX Road Warriors at Blackwater Bossing sa pagbubukas ng 2025 Kadayawan Invitational Basketball Tournament matapos magwagi sa kani-kanilang unang laban nitong Huwebes, Agosto 21, sa USEP Gym sa Davao City.
Unang nagpasiklab ang Blackwater matapos talunin ang Phoenix Fuel Masters, 94-81. Pinangunahan ni 2024 second overall pick Sedrick Barefield ang opensa ng Bossing sa kanyang 28 puntos, kabilang ang anim na tres kung saan tatlo rito ay sunod-sunod sa fourth quarter para tuluyang kumawala sa 72-66 na abante.
Nag-ambag din si Troy Mallillin ng 17 puntos at anim na rebounds, habang magandang debut game ang ipinakita ni Jed Mendoza na may 16 puntos.
Para sa Phoenix, nanguna sina Jason Perkins at Kai Ballungay na kapwa umiskor ng tig-12 puntos sa unang laro sa ilalim ni bagong head coach Willie Wilson, na pumalit kay Jamike Jarin na ngayon ay team consultant na.
Sa sumunod na laro, nanaig ang NLEX laban sa Converge FiberXers, 95-88. Kumamada si Robert Bolick ng 22 puntos upang pigilan ang pagbabalik mula sa 18 puntos na lamang ng kalaban.
Tumulong din sina Brandon Ramirez (14 puntos) at Robbie Herndon (12 puntos) para maselyuhan ang panalo ng Road Warriors.
Sa panig ng Converge, apat na manlalaro ang nagtala ng tig-11 puntos: Alec Stockton, Justine Baltazar, Bryan Santos, at King Caralipio.
Babalik ang aksyon ngayong Biyernes sa parehong venue. Maghaharap ang Phoenix at Converge sa alas-5 ng hapon, kasunod ang main game na NLEX kontra Blackwater alas-7 ng gabi — isang maagang bakbakan ng dalawang koponang parehong panalo sa pagbubukas ng torneo.
