Pasig City, nakuhang muli ang overall champion sa Batang Pinoy

Halos apat na araw matapos ang pagdaraos ng 2025 Batang Pinoy sa General Santos City, muling kinoronahan ang Pasig City bilang overall champion sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Humakot ang mga Pasigueño athletes ng kabuuang 95 gold, 72 silver, at 87 bronze medals sa taunang sports meet para sa mga batang atletang 17-anyos pababa.
“Congratulations sa mga Kabataang Atletang Pasigueño! Thank you to our parents, coaches, LGU staff, DepEd SDO. This is an unexpected surprise,” pahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Pinangunahan ng gymnastics ang medal haul ng Pasig City na may 51 medals (25-17-9), sinundan ng jiu-jitsu na nag-ambag ng 29 (6-10-13) at chess na nagtala ng 26 (10-12-4).
“Iyong programa namin ay hindi magiging sustainable if not for our city officials na naniniwala sa vision and mission namin para sa Pasig Sports,” ani Leanne Alonso, Pasig City Special Assistant on Sports Development.
Bilang gantimpala, tatanggap ang overall champion ng ₱5 million cash incentives mula sa Philippine Sports Commission (PSC). Ang mga lungsod na magtatapos sa ikalawa hanggang ikalima ay makatatanggap ng ₱4M, ₱3M, ₱2M, at ₱1M, ayon sa pagkakasunod.
Pumangalawa ang four-time champion Baguio City na mayroong 91 golds, 72 silvers, at 74 bronzes, habang pumangatlo ang Davao City (53-53-68), kasunod ang Quezon City (45-51-57) at Manila City (43-37-32).
Kompleto ang Top 10 sa Santa Rosa City (38-29-30), General Santos (36-43-51), Makati City (36-16-21), Cebu City (31-32-52) at Zamboanga City (27-18-15).
Kabuuang 159 LGUs ang lumahok sa 2025 Batang Pinoy, tampok ang halos 19,000 batang atleta mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Samantala, sa susunod na taon ay muling magho-host ang Bacolod City — kung saan sa lalawigang ito unang inilunsad ang Batang Pinoy noong 1999.






















