Pilipinas, humakot ng medalya sa Asian Kickboxing Championships

Rico Lucero
photo courtesy: Samahang Kickboxing ng Pilipinas/fb page

Limang gintong medalya, sampung bronze medal, at isang silver medal ang nasungkit ng national kickboxing team ng bansa sa katatapos na Asian Kickboxing Championships 2024 nitong Sabado na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia.

Isa sa mga nagwagi ng gintong  medalya  ay si Paris  Olympic boxer Hergie Bacyadan. Nanguna si Bacyadan sa female K1- 75 kg category sa torneo. Hindi na iba kay Bacdayan ang combat sports na ito dahil sa naging world champion na rin ito sa vovinam noong 2023 at naging silver medalist din ng wushu.

Ayon kay Bacyadan, masaya ito na nag-qualify sa World Games na ito lahat sila ay gustong mapabilang dito. 

“Everybody wants to be there in the World Games and I’m glad that I’ve qualified,’’ ani Bacdayan. 

Magugunitang nabigo si Bacyadan kay Li Qian ng China sa middleweight class noong Olympic boxing sa Paris. 

Samantala, dalawang gintong medalya at isang bronze medal naman ang nasungkit ni Jovan Medallo na nagwagi sa musical forms with weapon and musical form open hand crowns, habang isa naman kay Carlo Von Buminaag na nagkampeon sa men’s 67 kg low kick category.

Ilan ding pambato ng bansa ang nagwagi ng medalya sa kickboxing.  Si Janah Lavador na nagwagi ng tatlong bronze sa musical form with weapon, musical form without weapon, at creative form with weapon. Bronze medal naman ang nakuha ni Renalyn ‘Renz’ Dacquel sa low kick female 48 kg, si Lance Airon Villamer ay nagkamit ng bronze medal para sa point fighting 63 kgs male category at si Daryl Chulipas na nakakuha ng bronze medal sa full contact 51 kg under male category.  Nakuha naman ni Honorio Banario ang silver medal para sa 75 kg K1 male event.