Petro Gazz Angels pasok na sa AVC Champions League Quarterfinals

Ipinakita ng Petro Gazz Angels ang kanilang husay matapos na makuha ang straight-sets win laban sa Hip Hing ng Hong Kong, 25-8, 25-12, 25-12, kagabi, Abril 22 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Dahil sa panalong ito, sasgupain ng Angels ang Chinese powerhouse Beijing Baic Motor.
Magugunitang nitong Lunes, Abril 21, ay bigo ang Angels na makuha ang panalo laban sa Kaohsiung Taipower na nagwagi sa four sets, 15-25, 16-25, 25-19, 20-25.
Nanguna sa panalo ng Petro Gazz si Gia Day na nakapagtala ng 18 attack points, kasama ang walong digs at tatlong reception habang nag-ambag naman si MJ Phillips ng siyam na puntos mula sa pitong pag-atake, isang block, at isang ace, habang si Brooke Van Sickle ay umiskor ng solid na walong puntos.
Ikinatuwa naman ng Petro Gazz head coach Koji Tsuzurabarai ang kanyang mga players at pinuri ang mga ito sa ipinakitang husay sa laban.
“Everyone had a good performance. So with Rem [Palma], I expected a lot. So maybe I expected a change in atmosphere. So, she had a good performance. They [Gia Day and Brooke van Sickle] also were good. I think maybe, 70 percent more towards the setter. Yesterday’s game, maybe 5 percent. But today’s better than yesterday,” ani Tsuzurabarai.
Samantala, nahirapan naman ang koponan ng Hip Hing na makabuo ng ritmo, kung saan ang kanilang mga nangungunang scorer ay nagsasama-sama para lamang sa 10 puntos, kung saan malaking bahagi ng kanilang scoring na 19 points ay nagmula pa sa unforced errors ng Petro Gazz.
Bukas, Huwebes, Abril 24, alas-7 ng gabi, maghaharap ang Petro Gazz at Beijing BAIC Motor 7 sa kaparehas na venue.
