Pedro Taduran napanatili ang kaniyang IBF belt vs. Ginjiro Shigeoka

Napanatili ni Pedro “Kid Pedro Heneral” Taduran ang kanyang International Boxing Federation (IBF) mini-flyweight world title matapos ang laban sa dating kampeon na si Ginjiro Shigeoka sa kanilang rematch nitong Sabado, sa Intex Osaka, Japan.
Gumamit si Taduran ng mga suwabeng jabs at malulutong na power punches, para itala ang kaniyang panalo kontra sa kalabang Japanese.
Pumabor ang mga hurado kay Taduran via split descision sa iskor na 115-113 at 118-110 habang si American judge Dave Braslow ay pumabor kay Shigeoka, 113-115.
Matapos makatanggap ng mga solidong suntok si Shigeoka ay binuhat na ito palabas na nakahiga sa stretcher.
Matatandaang unang engkuwentro ng dalawa noong Hulyo 28, 2024 sa Shiga Daihatsu Arena kung saan tinalo siya ng Pinoy sa pamamagitan ng ninth-round TKO.
Sa panalo namang ito, umakyat na ang rekord ni Taduran sa 18 panalo, 4 talo, at 1 draw (13 wins by KO).
Ito rin ay naging daan upang lalong lumapit sa pagkakataong makaharap ang undefeated unified champion na si Oscar “El Pupilo” Collazo ng Puerto Rico, na may hawak ng WBA, WBO, at The Ring Magazine titles sa 105-lbs division.
Ayon sa MP Promotions President at international matchmaker na si Sean Gibbons, layunin ng kampo ni Taduran na harapin si Collazo (12-0, 9 KOs), na huling nagtanggol ng kanyang korona kontra Edwin Cano noong Marso 29 sa Cancun, Mexico.
Isa sa mga pinag-uusapang plano ay ang posibilidad na maganap ang laban nina Taduran at Collazo sa nalalapit na 50th anniversary celebration ng 'Thrilla in Manila' ngayong Oktubre sa Pilipinas — isang makasaysayang pagkakataon para sa kampo ng Elorde Boxing Promotions ni Cucuy Elorde.
