PBA: Unang panalo nasungkit ng Northport Batang Pier vs NLEX

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Nakuha ng NorthPort Batang Pier ang kanilang unang panalo sa Season 49 ng Philippine Basketball Association o PBA Commissioner's Cup matapos nilang tambakan ang NLEX, 114-87, nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 28, sa Ninoy Aquino Stadium.

Sa pagsisimula ng unang quarter ay lumamang ang Road Warriors ng 16, 25-9, ngunit unti-unti itong nalampasan ng Batang Pier matapos ang 35-12 second quarter blowout hanggang sa nakuha ng NorthPort sa halftime ang 56-41 na kalamangan. 

"It's all about the character of this team. We started flat... but the good thing there is our second group stepped up. Medyo kinalawang kami, kung iyon ang tamang termino," ani  Arvin Tolentino 

"Pero 'yung second unit namin 'yung nagdala... tapos na-carry namin ang momentum. Nu'ng second quarter medyo umangat na laro namin," pahayag naman ni  Rensy Bajar.

Nanguna si Tolentino sa pagkapanalo ng Batang Pier matapos magtala ng 29 puntos sa 10-of-17 clip at 7-of-8 free throw shooting.

Nagkaroon naman ng matagumpay na PBA debut ang kanilang import na si Kadeem Jack na nakapagtala ng 25 puntos at anim na rebounds para tulungan ang kanilang koponan sa pagkapanalo. 

Samantala, hindi naman sumapat ang naitalang record ni import Michael Griffin-Watkins na 29 puntos, 19 rebounds, 4 assists, 2 blocks at 1 steal para sa NLEX pati na rin ang 11 puntos ni Richie Rodger.

Makakalaban ng NorthPort ang Terrafirma ngayong Sabado, November 30, na maghahabol ng ikalawang sunod na panalo, habang layunin ng NLEX na makamit ang una nilang panalo kapag nakaharap nila ang Blackwater sa parehong petsa ng laro.

Ang mga Iskor:

NORTHPORT 114 – Tolentino 29, Jack 25, Bulanadi 14, Munzon 12, Yu 8, Navarro 7, Miranda 5, Onwubere 4, Cuntapay 4, Taha 2, Flores 2, Tratter 2, Nelle 0

NLEX 87  – Watkins 29, Rodger 11, Mocon 10, Semerad 10, Amer 6, Torres 6, Bolick 3, Nieto 3, Nermal 3, Policarpio 2, Valdez 2, Herndon 2, Marcelo 0, Fajardo 0

QUARTERS:  21-29, 56-41, 91-67, 114-87