Para swimmer na si Carl Hilario nakasungkit ng tatlong gintong medalya sa 8th Philippine National Para Games
Tatlong gintong medalya agad ang nasungkit ng para swimmer na si Carl Hilario mula sa magkakaibang kategorya sa nagpapatuloy na Philippine National Para Games sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool in Rizal Memorial Sports Complex nitong nakaraang Martes, Nobyembre 12.
Ang unang gintong medalya na kanyang napanalunan ay mula sa men’s 100-meter freestyle S14 kung saan nagtapos siya sa oras na 1:04.55, habang dalawa pang ibang gintong medalya ang kanyang nakolekta sa mga kategoryang men’s 200-meter freestyle S14 na mayroong record na 2:31.80 at sa men’s 100-meter butterfly S14 na mayroong record na oras na 1:21.31.
Ayon sa kanyang coach na si Allan Gomez, sinubukan lang umano nilang sumali sa Para Swimming competition ng 8th Philippine National Para Games at hindi nila inaasahan na makakasungkit sila ng tatlong gintong medalya.
"We just tried to participate, we were lucky to win three golds," ani coach Gomez.
Si Hilario, ay isang student-athlete mula sa Kalibo Integrated Special Education Center sa lalawigan ng Aklan, na may kapansanan sa pag-iisip. Kahit ganito ang kanyang kalagayan ay sumali siya sa para-swimming na inilunsad sa taong ito para ipakita ang kanyang talento sa kabila ng kanyang kapansanan.