Northport napanatili ang kanilang winning streak kontra Ginebra

Keanna Wren
PHOTO COURTESY: PBA

Matapos ang kalahating dekada ay nagkaroon na rin ng panalo ang Northport kontra Ginebra, 119-116, sa nagpapatuloy na PBA Season 49 Commissioner’s Cup nitong Miyerkules, Enero 8, sa Philsports Arena sa Pasig. 

Naitayog ng Batang Pier ang kanilang record sa 7-1 para solohin ang tuktok ng team standings. 

“It’s a statement win for us,” deklara ni Batang Pier head coach Bonnie Tan matapos talunin ng kanyang koponan ang Gin Kings sa unang pagkakataon mula pa sa kanilang 124-90 loss sa Game 1 ng kanilang Governor’s Cup quarterfinal series noong Disyembre 14, 2019.

“I hope that with this win, we prove that we’re here to win games. We’re here to be competitive, we’re not just a team to be taken lightly,” dagdag pa ni Tan.

Pinangunahan ng import na si Kadeem Jack ang Northport na na mayroong game-high na 32 puntos sa tuktok ng 16 rebounds nito.

Sina Arvin Tolentino at Joshua Munzon naman ang nanguna sa mga local players. Nagtala si Tolentino ng 29 markers, kasama ng limang boards, at tatlong deflection bago siya na-foul out na may dalawang minuto na lang ang natitira sa laro.

Samanta, si Munzon naman ay nakapag-ambag ng 27 puntos, anim na assists, at dalawang steals, kabilang ang isang three-pointer na nagbigay sa Batang Pier ng advantage, 117-109, kaya’t siya ang nakakuha ng Best Player of the Game honors.

Sinamantala ng Gin Kings ang paglabas ni Tolentino para ibaba ang kalamangan sa 117-114. Na-foul si Justin Brownlee sa kanyang three-point try, na nagbigay ng pagkakataon sa three-time Best Import na itabla ang laro, ngunit dalawa lang ang na-convert niya sa kanyang tatlong free throws.

Sina Munzon at Jack naman ay naghulog ng tig-isang free throw sa loob ng huling 10 segundo upang selyuhan ang laro.

Gaya ng dati, pinangunahan ni Brownlee ang Gin Kings na may 23 markers, 12 boards, at four dimes, ngunit nakagawa rin siya ng game-high na 8 turnovers, na maaaring dulot ng masama niyang pakiramdam.

Sina Scottie Thompson, RJ Abarrientos, at Troy Rosario ay nagtapos na may tig-17 puntos sa losing cause nang hindi nakuha ng Ginebra ang ikatlong sunod na panalo at bumagsak ang kanilang record sa 5-3.

 

The Scores:

NorthPort 119 – Jack 32, Tolentino 29, Munzon 27, Flores 9, Navarro 8, Bulanadi 5, Onwubere 4, Cuntapay 3, Yu 2, Nelle 0, Jalalon 0.

Ginebra 116 – Brownlee 23, Thompson 17, Rosario 17, Abarrientos 17, Ahanmisi 12, Holt 11, Cu 9, J.Aguilar 8, Tenorio 2.

Quarter Scores: 31-27, 67-58, 98-87, 119-116.