Nesthy Petecio napromote sa PCG matapos manalo ng Olympic bronze

Keanna Wren
PHOTO COURTESY: PHILIPPINE COAST GUARD

Nakatanggap ang two-time Olympic medalist na si Nesthy Petecio ng promotion mula sa Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang kanyang pagkapanalo ng bronze medal sa 2024 Paris Olympics.

Isinagawa ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang seremonya sa punong-tanggapan ng PCG noong Lunes, Disyembre 2, ang Filipina boxer ay napromote mula sa pagiging Petty Officer Second Class (PO2) tungo sa Petty Officer First Class (PO1).

Sinabi ni Admiral Gavan na ang promotion ay isang pagkilala, hindi lamang sa tagumpay ni Petecio sa Olympic, kundi pati na rin sa kanyang hindi natitinag na dedikasyon, disiplina, at kahusayan bilang isang Coast Guardian.

"The Philippine Coast Guard is proud to call you our own. May you serve with distinction and bring pride to our service and nation," dagdag pa ni Admiral Gavan.

Ibinahagi ni Petecio ang mensahe ng PCG sa isang social media post at idinagdag na siya ay “blessed” sa kanyang kamakailang promosyon.

Naging miyembro si Petecio ng PCG mula noong 2021, kasunod ng kanyang pagkapanalo ng silver medal sa Tokyo Olympics.