Nambatac, impresibo sa unang salang sa PBA finals

Juan Karlo Libunao (JKL)
Photo Courtesy: PBA Images

Pinangunahan ni Rey Nambatac ang TNT Tropang Giga sa kanilang panalo laban sa Barangay Ginebra, 104-88, sa Game 1 ng PBA Season 49 Governors' Cup Finals na nasaksihan ng record-breaking 11,021 crowd sa Ynares Center, Antipolo. 

Tinanghal na Best Player of the Game si Nambatac matapos magtala ng 18 puntos (12 sa fourth quarter), 10 rebounds, at pitong assists sa kanyang kauna-unahang PBA Finals appearance.

“To be honest, sobrang kinabahan talaga ako. Kinilabutan ako. Parang nanghihina ang katawan ko. Good thing na-overcome ko,” patungkol ni Nambatac sa kanyang unang pagtapak sa big stage ng liga. “Good thing noong second half, noong unti-unti ko nang nakuha ang rhythm, nagtuluy-tuloy na.”

Naging vintage din ang performance ni Jayson Castro upang makamit ng TNT ang unang tagumpay sa serye. Nagtala si Castro ng kabuuang 14 puntos, kung saan 12 dito ay naibuslo niya sa ikatlong yugto ng laro kung saan nadomina niya ang Gin Kings rookie na si RJ Abarrientos.

Nag-ambag din sila Poy Erram at RR Pogoy na mayroong 15 at 14 markers para makumpleto ang supporting cast ng team at bawasan ang bigat na dala-dala ng kanilang import na si Rondae Hollis-Jefferson na umiskor lamang ng kanyang playoff-low na 19 points, ngunit nakakuha pa rin ng 4 rebounds, 4 assists, 1 steal at 3 blocks.

Dinomina ng Tropang Giga ang laro mula sa umpisa pa lamang kung saan nagsimula sila ng isang magandang 19-4 run. Mula doon ay hindi na nagpatinag ang TNT kahit na ilang beses pa naibaba ng Ginebra ang kalamangan sa single digits, ngunit hindi nila hinayaang mawala pa ang kalamangan sa kanila hanggang tumunog na ang final buzzer.

Nalimitahan din ng TNT ang three-point shooting game ng Gin Kings sa pinakamababa nilang output ngayong playoffs at nagtala lamang ng 2-of-21 mula sa arko habang ang Tropang Giga naman ay namayagpag sa pamamagitan ng mainit na 52.7 field goal percentage.

“We know the strength of Ginebra. We are a very data-driven team. We looked at the numbers and we focused really on that, taking away their strengths and making sure that we lean on what their strengths really is which is our ability to stop teams,” saad ni TNT coach Chot Reyes sa kanilang gameplan laban sa Ginebra.

Samantala, si Justin Brownlee naman ang namuno sa Ginebra nang mag-ambag ito ng 23 markers, seven boards at six dimes, ngunit 1-of-5 lamang mula sa four-point territory at 0-of-2 naman sa three-point arc. Nagdagdag din si Japeth Aguilar ng 14 points at six rebounds, at si Ralph Cu naman ay mayroon 13 points, five rebounds at anim na assists.

Ang Game 2 ng serye ay gaganapin sa Miyerkules, October 30, 7:30 p.m. sa Smart-Araneta Coliseum.

 

The Scores:

TNT 104 – Hollis-Jefferson 19, Nambatac 18, Erram 15, Castro 14, Pogoy 12, Oftana 9, Aurin 8, Khobuntin 5, Williams 2, Heruela 2, Galinato 0, Payawal 0.

Barangay Ginebra 88 – Brownlee 23, J. Aguilar 14, Cu 13, Holt 12, Ahanmisi 10, Thompson 7, Abarrientos 5, Pinto 2, Tenorio 2, Mariano 0, Pessumal 0, Adamos 0.

Quarters: 27-15; 43-22; 72-62; 104-88.