Manny Pacquiao at Mario Barrios, kapwa humiling ng rematch

Kapwa humiling ng rematch sina Manny Pacquiao at Mario Barrios matapos ang kanilang mainit na sagupaan nitong Linggo, July 20, (sa Pilipinas) na nauwi sa isang majority draw, na naging sanhi ng pagkadismaya ng libu-libong fans sa MGM Grand Garden Arena.
Napanatili ni Barrios ang kanyang World Boxing Council (WBC) welterweight title matapos makuha ang 115-113 score mula sa isang hurado, habang ang dalawa pang hurado ay nagbigay ng pantay na iskor na 114-114.
“I’ll do the rematch. Absolutely. This was huge for boxing. I’d love to do it again,” ani Barrios,
Gayunman, hindi nagpahuli si Pacquiao na muling ipinamalas ang kanyang trademark 1-2 combinations, na ilang beses ring bumasag sa depensa ng mas batang si Barrios.
“I thought I won the fight. It was a close fight. He was very tough,” ani Pacquiao.
Parehong iginiit ng dalawang boksingero na ginawa nila ang lahat para makuha ang panalo, ngunit aminado rin si Barrios na kinailangan niyang maghagilap ng lakas sa huling rounds upang masigurong hindi siya maungusan.
“I didn’t think the fight was getting away from me, but I knew I had to step it up to solidify a win,” dagdag pa ni Barrios.
Sa pagtatapos ng laban, mariing ipinahayag ni Pacquiao ang kagustuhang ulit-ulitin ang laban na sinang-ayunan din ng kampo ni Barrios.
“Of course I’d like a rematch,” dagdag ng Filipino boxing legend.
