Jerusalem, napanatili ang WBC title kontra kay Shigeoka

Napaluhod sa tuwa si Filipino boxing champion Melvin Jerusalem matapos mapanatili nito ang kaniyang World Boxing Council minimumweight title laban kay Yudai Shigeoka sa pamamagitan ng unanimous decision sa kanilang rematch noong Linggo, Marso 30, sa Aichi Sky Expo sa Nagoya, Japan.
Una nang nanalo si Jerusalem ng titulo noong nakaraang taon laban kay Shigeoka sa Japan sa pamamagitan ng split decision.
Ngunit sa pagkakataong ito, mas nangingibabaw ang Pinoy boxer, kung saan ang tatlong hurado sa laban ay pumabor sa kanya sa pamamagitan ng mga iskor na 118-110, 119-109 at 116-112.
Ito na ang pangalawang beses na nagkaharap ang dalawang boksingero kung saan parehas na tinalo ng 31-anyos na si Jerusalem ang kalabang Hapones.
At tulad ng kanilang unang laban, muling nagpaulan ng suntok at kumbinasyon si Jerusalem, na nagresulta sa pagbagsak ng kanyang kalaban sa ikatlong round.
Patuloy niyang pinananatili ang pressure sa kalaban, na muling bumagsak sa ika-anim na round. Hanggang sa huling round, hindi bumagal si Jerusalem, habang si Shigeoka naman ay nagpupumilit makapagpatama ng kanyang mga suntok.
Hindi tulad ng unang laban, walang knockdowns sa pagkakataong ito ngunit ang dominasyon ay ipinakita pa rin ng 31-anyos na kampeon.
Dahil sa panalo, mayroon na itong 24 na panalo, kung saan 12 sa mga panalo nito ay knockout at tatlong talo, habang si Shigeoka naman ay mayroong siyam na panalo kung saan lima sa mga ito ay knockout at 2 talo.
Samantala, maaaring ang susunod na laban naman ni Jerusalem ay ang rematch nito kay Oscar Collazo ng Puerto Rico kung saan sa ikapitong round ay nabigo ang Pinoy boxer ng umakyat ito ng timbang sa 105 pound class.
Matatandaang isa rin sa mga tinalo ni Jerusalem ay ang Mexican challenger na si Luis Castillo noong nakaraang Setyembre sa Mandaluyong.
