Exclusive: ROS rookies Tiongson at Lemetti, bagong puwersa ng Elasto Painters

Rico Lucero

Hindi na nakapagtataka kung ang pundasyong itinanim ng Rain or Shine sa kanilang mga manlalaro ay naitayo sa pamamagitan ng solidong pakikipagkaibigan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kanilang mga homegrown talents, pero may nais silang patunayan sa sambayanang Pilipino na mahalaga ang kanilang paglahok at makipag kompetensya sa Philippine Basketball Association o PBA.

Ipinagmamalaki ngayon sa roster ng Elasto Painters ang kanilang iba’t-ibang opsyon kung ang pag-uusapan ay opensa at depensa sa paglalaro, isang mahalagang balanse para sa kanila na maaaring kumonekta sa koponan mula sa kanilang 12-taong walang kampeonato sa Governor's Cup.

Maaaring ang mga batikan at beteranong manlalaro mula sa  iba’t ibang koponan ang nagtulak sa mga baguhang manlalaro sa panahon ngayon para patunayan na kaya nilang iukit ang kanilang pangalan bilang isa sa mga kinatatakutang koponan, ngunit naiiba ang  Rain or Shine dito. 

Pinalalakas ito ng mga batang manlalaro, lalo na sa mga draft pick nila ngayong taon, kung saan maaari silang magkaroon ng pagkakataon na makamit muli ang koronang dati nang nasa kanilang mga kamay.

No.7 overall pick sa draft ng Elasto Painters, pinatunayan ni Caelan Tiongson na hindi pa huli ang lahat para ituloy ang pangarap kahit na ang edad niya ay 32. Sa kanyang kahanga-hangang kredensyal, hindi na estranghero si Tiongson sa sport na ito. 

Maraming PBA teams ang gustong gamitin ang karanasan ni Tiongson mula nang ipakita nito ang kanyang kahanga-hangang laro sa ASEAN Basketball League, simula sa Chong Son Kung Fu at pagkatapos ay sa Alab Pilipinas. 

Si Tiongson ay muling  lumabas mula sa kanyang pagreretiro noong 2021 para  kumuha ng panibagong pagkakataong makapaglarong muli sa pamamagitan ng pagsali sa Taoyuan Leopards ng T1 League sa Taiwan bago bumalik sa Pilipinas upang maglaro para sa Strong Group sa 43rd William Jones Cup. 

Ngayon, inaani na ni Tiongson ang mga inaasahan ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao habang pinapalakas niya ang frontline ng koponan hindi lamang sa opensa kundi maging sa depensa.

“I don't treat Caelan as a rookie anymore. He has played a lot. So, you know his mentality is like a veteran.” sabi ni coach Yeng Guiao sa Laro Pilipinas.

Nang tinanong namin si Tiongson tungkol sa kanyang karanasan sa ilalim ng pamamatnubay ni coach Yeng, ibinahagi nito na mas lalo pa umano siya naging mahusay ngayon at iba na ang istilo ng kanyang paglalaro sa kasalukuyan kumpara sa nakasanayan niya noon.

“This is the first time I've played this kind of style of basketball. I'm used to a slower style. So, he just preaches a lot of confidence,” ayon kay Caelan. “Still getting used to it for sure. I have enjoyed playing for him. He wants to win and that’s really what's important when I play for a coach.

Sa kabilang banda, ang No. 8 overall pick naman sa nakaraang PBA draft ay nilalagpasan ang ekspektasyon sa kanya tulad na lamang ng pagpili ni coach Guiao sa kanya na ikinagulat ng ibang mahilig sa basketball. 

Matapos pumili ng mas matatag na pangalan sa katauhan ni Tiongson, sinamantala ng Elasto Painters ang pagpili sa Filipino-Swedish na si Felix Pangilinan-Lemetti na nagbandera din ng maraming karanasan sa edad lamang na 25.

Bago nagsimula ang kanyang karera sa KFUM Fryshuset Basket ng Swedish Superettan, ang second-tier men's pro league ng Sweden, si Lemetti ay naglaro muna para sa tatlong magkakaibang NCAA Division 1 schools: una sa Fairfield, pagkatapos ay Omaha, at ang pangatlo ay sa Southern Utah.

Hindi rin natakot si Lemetti na humarap sa mga kumpetisyon katulad ng FIBA youth, na klarong nagpapakita ng kanyang mga kwalipikasyon at  background sa larong basketball.

Dahil na-expose na si Felix sa mga overseas stints, positibo ang pananaw ni coach Yeng sa performance na ipinapakita ni Lemetti sa kanilang mga laro.

“He is still young but he has already played in Europe. He has already played in NCAA Division 1. So, he just needs to have more experience or he needs to feel how we play here in the Philippines,” sabi ni coach Yeng tungkol kay Lemetti.

“He has played in 11 games so far, and he will improve every game. But, of course, the playoff is different. He will improve himself. He will be able to adjust.”

Bagaman, nagkakaisa sila ng damdamin tungkol kay Caelan Tiongson ukol sa mga  pangunahing playing tactics at  coaching style ng Rain or Shine, ipinahayag naman ni Lemetti na ito ang istilo na angkop sa kanya.

“I like to push the ball a lot. I like to shoot a lot of threes. It fits me really well,” sabi naman ni Lemetti

“Obviously, the winning part was a big thing, that always plays a factor. You always want to win. To be able to do so your first year is a great experience,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin naman ni Coach Yeng na kahit na gumagawa ng improvement sina Tiongson at Lemetti ay naniniwala siyang gaganda pa ang kanilang performance kapag mas lalong naging pamilyar sila sa kanilang sistema.

Si Tiongson, na hindi naglaro sa loob ng dalawang taon, ay halos nagbabalik pa lamang siya sa kanyang laro, habang si Lemetti naman ay naglaro sa Sweden at Estados Unidos, subalit hindi siya ganoon ka-pamilyar sa lokal na istilo ng paglalaro ng basketball sa bansa. 

Gayunpaman, kumpiyansa ang Rain or Shine sa kakayahan nina Tiongson at Lemetti na makapag-adjust sa laro ng Elasto Painters upang makatulong na maihatid sa RoS ang patuloy na tagumpay.