Exclusive: Performance level ng Beermen, inilahad ni SMB team consultant Leo Austria
Nagpahayag ng kanyang saloobin si San Miguel Beermen team consultant Leo Austria patungkol sa mga nangyari sa kanilang koponan nitong mga nakalipas na laban nila kontra Barangay Ginebra, at kung anu-ano ang mga naging pagkukulang nila at kung ano pa ang kailangan nilang gawin para makakuha sila ng panalo kontra sa kanilang kalabang Gin Kings.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay naitabla na ng Beermen sa 2-2 ang serye kontra GIn Kings at mukhang ang mga obserbasyon at pagtaya na ibinahagi ni Austria sa Laro Pilipinas pagkatapos ng kanilang Game 1 ay nagkatotoo.
Sa eksklusibong panayam ng Laro Pilipinas, ibinahagi ng nine-time PBA champion coach na si Austria pagkatapos ng Game 1 ang kanilang semifinal series. Sinabi nitong maraming bagay ang kailangan pa nilang gawin dahil kung hindi nila babaguhin ang kanilang diskarte sa laro, baka maiba na aniya ang kanilang kuwento.
Pagkatapos ng Game 1, sinabi ni coach Leo na dapat nilang tugunan ang mainit na perimeter shooting ng Ginebra kung saan galing dito 56 ng Gin Kings sa kabuuang 122 puntos.
“If you will take a look at the stats and all, we just allowed them to score in the perimeter.I think 56 points, 4-point play, 5 times, that's 20. And then a 3-point play, that's 12, that's 36, plus 20, that's 56. And they scored 122,” sabi ni Austria.
Ibinahagi din nito na sa isang semifinals series tulad ngayon, hindi dapat payagan ng SMB ang kanilang kalaban na maglagay ng higit sa 100 puntos lalo na't ang Ginebra ay walang dominanteng big man sa puwesto tulad ni eight-time MVP ng Beermen, June Mar Fajardo.
Tinukoy din ni Austria na buo na ang kanilang mga kalaban dahil medyo matagal na silang magkasama at kitang-kita sa kasalukuyan ang fluidity ng kanilang paglalaro. Bukod pa riyan may additional na pahinga din ang Gin Kings dahil mas maaga nilang natapos ang kanilang quarterfinals series.
Para naman sa Beermen, mas mahabang ruta ang kanilang tinakbo para talunin ang Converge sa quarterfinals kung saan umabot sila sa Game 5. Pagkatapos ng kanilang laban na iyon ay naglaro pa sila sa pagbubukas ng East Asian Super League o EASL. Ngunit hindi iyon tiningnan nilang dahilan para sa kanila.
“And regarding the adjustment, we have to be prepared mentally. And let us forget what happened on October 9. We cannot dwell on that. But we have to learn from the mistakes and lapses,” sabi pa Austria.
Sinabi rin ni Austria na kailangan nilang mag-focus at mag-exert pa ng more effort. Kailangan din aniyang puspusan ang paghahanda na gagawin nila. Sinabi rin ni Austria na ang isang araw ng paghahanda ay hindi sapat dahil ito ay malakas maka-drain ng enerhiya ng mga manlalaro.
Tama nga, pagkatapos ng dalawang araw na pahinga, ipinakita ng SMB ang dominasyon sa Game 4 para muling itabla ang serye. Nanalo rin ang Beermen sa Game 2 ngunit may anim na puntos lamang na tagumpay matapos bumagsak sa Gin Kings ng 17 sa kanilang unang outing.
Nanalo rin ang Ginebra sa Game 3 sa margin na 5 puntos.
Dahil nakataya ang kanilang finals appearance, sinabi pa ni coach Leo na ang pagpasok sa dito ay magiging mas mahirap na ruta para sa kanila.
“After getting to the semifinals, you think of a harder approach. And we're getting in there. We have a series, a best-of-seven.”
Isa pa sa mga factors na nakakaapekto sa kanilang laro at pagkakapanalo ay ang kanilang import na si EJ Anosike na hanggang ngayon ay nag-a-adjust pa rin sa sistema dahil siya ay late nang lumabas sa conference na ito, hindi gaya ni Justin Brownlee ng Ginebra na nasa bansa na mula pa noong 2016 at naging naturalized player pa ng Gilas Pilipinas kaya alam na niya ang tatak ng Filipino basketball.
Ngunit tila na-adopt na ni Anosike ang sistema nang ibuhos niya ang 27 points na kanyang ginawa sa kanilang huling laro upang madagdagan ang napakalaking 29 points-16 rebounds na performance ng JMF.
Nagbubunga rin ang pasensya ng coaching staff at ng mga manlalaro ng San Miguel dahil tabla na ang serye at maaari talagang basagin ng Beermen ang odd-even trend ng match-up para manguna at para mas mapalapit pa sa Finals.
Nagpasalamat at umaasa din si coach Leo Austria na patuloy silang susuportahan ng kanilang mga tagahanga lalo na ang mga sumusubaybay sa paglalakbay ng SMB.
“To the faithful fans of the Beermen, the fans that are always there, win or lose, they're always there. Just be patient because we're doing our best to win the games. And we know that's what we're looking for. Whether it's raining or sunny they are always there. Thank you very much.”
Samantala, mamayang hapon na isasagawa ang Game 5 ng semifinal series sa pagitan ng SMB at Gin Kings sa Ynares Center in Antipolo.