EASL: Eastern, napanatili ang kanilang panalo vs. San Miguel Beermen

Napanatili ng Hong Kong Eastern ang kanilang ikatlong sunod na panalo kontra sa San Miguel Beermen upang magpatuloy ang pag-asa na makakuha ng sa Final Four spot sa East Asia Super League (EASL) home-and-away 2024-25 season.
Natalo ng Hong Kong Eastern ang Beermen kagabi, January 15, sa Philsports Arena, 84-74 at tuluyan nang nalugmok ang SMB sa kanilang ikalimang sunod na pagkatalo.
Sa pagsisimula ng laro ay malayo na agad ang lamang ng Eastern, 11-1, at napanatili nito ang momentum ng laban sa buong first half ng laro.
Sinikap naman ng Beermen na tapatan ang mahigpit na depensa ng Eastern subalit hindi nila ito napagtagumpayan.
Aminado si SMB head coach Leo Austria na sa simula pa lang ng kanilang pagsali sa EASL ay mabagal at hindi maganda ang kanilang performance, subalit itinuturing na lang nila itong leksyon para lalo pang pagbutihin ang kanilang mga susunod na performance lalo na sa kanilang pagsali sa EASL.
Sinabi pa ni Austria na hindi ito ang unang pagkakataon na naging mabagal ang kanilang pagsisimula. Ayon pa sa champion mentor, maging ang naging laban aniya nila kontra sa Hiroshima Dragonflies at Taoyuan Pauian Pilots, ay ganito rin ang kanilang naging senaryo.
Sa ngayon, eliminated na ang SMB sa postseason contention at mayroon na lamang itong natitirang isang regular-season game sa February 12, kung saan makakalaban nila ang Suwon KT Sonicboom (KBL)
Samantala, makakaharap ng Hong Kong Eastern ang Taoyuan Pauian Pilots sa Pebrero 5.
Nanguna sa panalo ng Eastern si Cameron Clark na nakapagtala ng 25 points, walong rebounds, tatlong assists, at isang block, habang si Chris McLaughlin naman ay nagdagdag ng 15 points at 17 rebounds, limang assists, tatlong steals at isang block, habang sina Hayden Blankley at Glen Yang ay kapwa naman mayroong tig-labing isang puntos.
