Chua, rumesbak sa bashers ng 4-point line: ‘Eh di wag nyo gamitin’
Tila napikon na si PBA Vice Chairman Alfrancis Chua sa mga kabi-kabilang batikos at negatibong komento ukol sa pagpapatupad nila ng 4-point shot sa pagbubukas ng PBA season 49 Governor’s Cup sa August 18.
“Isang linya lang. Eh di wag n'yo gamitin. Linya lang 'yun eh,” ani Chua
Binigyang-diin ni Chua na inaprubahan ng lahat ng miyembro ng board ang desisyon para sa implementasyon ng 4-point line sa muling pagbubukas ng PBA season 49 ngayong buwan.
Magbibigay din aniya sila ng tamang tugon sa mga magiging reaksyon ng mga fans– at ng mga coach– na nag-aalinlangan sa ginawa nilang pagbabago sa PBA.
Bagaman umani ng samut-saring batikos ang pagpapatupad ng 4-point line ay ginawa lamang aniya nila ang kung ano ang makakabuti sa liga.
“Yung mga naiisip namin, this is all good for the league."
Nilinaw pa ni Chua na ginawa lang aniya nila ang gayong hakbang at hindi nag-imbento lang para sa ikapapangit ng liga kundi para gumanda pa.
“Sa amin, as governors, kasama si Commissioner, hindi naman kami magiimbento para pumangit 'yung liga. Sa amin, ginagawa namin ito para gumanda ang liga, magkaroon ng, sinabi nga ni Chairman [Ricky Vargas], entertainment.” dagdag pa ni Chua.
Ang 4-point line ay ang panibagong arc line sa court na may sukat na 27-feet, kung saan ito na ang magiging 4-point shoot area ng mga players.
Magugunitang sa huling All-Star game na ginanap sa Bacolod, nasaksihan ang kauna-unahang five-point-play shot nang maipasok ni Robert Bolick ang kanyang tira sa four-point line kung saan na-foul siya ni Calvin Oftana habang may 17 segundo pang natitira sa laro.
Naipasok ni Bolick ang bonus free throw upang tumabla ang Team Mark sa Team Japeth, sa score na 140-140 dahilan kung kaya nagkaroon ng draw sa pagtatapos ng All-Star game.