Boxing: The “Wonder Boy” muling makikipagbakbakan sa Mexico
Kasado na ang nakatakdang laban ni Filipino rising star at undefeated boxer Carl Jammes “Wonder Boy” Martin sa Mexico kontra hometown bet nito na si Ruben Tostado Garcia sa isang non-title super bantamweight bout sa Nobyembre 30 na isasagawa sa Tijuana, Mexico.
Dito na malalaman ang kapalaran ni Martin sa susunod na taon matapos ang resulta ng kanyang laban kontra sa magbabawing Mexican boxer na may two-fight losing skid, habang nananatiling matatag sa kanyang undefeated slate at sundan ang second-round knockout victory sa naunang biktima nitong Mexican boxer na si Anthony Jimenez “Boy” Salas nitong nakaraang Setyembre 6 sa Culiacan, Sinaloa, Mexico.
Ayon kay Manny Pacquiao Promotions President Sean Gibbons, masaya sila sa ipinapakitang progreso ni Martin sa mga nakaraan nitong laban.
“Carl Martin looks to close out 2024 with a big victory for a world title fight in 2025. We have been incredibly happy with his progress since he arrived here in the US,” pahayag ni international matchmaker Sean Gibbons.
Matatandaang sa huling laban ni ‘Wonder Boy’ kontra kay Salas ay nagawa nitong payukuin nang dalawang beses ang kalaban bago tuluyang pinatigil ng referee ang laban sa loob ng isang minuto at 54 segundo para pahabain ang winning streak sa 24 kasama kung saan 19 dito ay mula sa knockouts.