Bomogao, makikipagbuno sa ONE Championship sa November 8
Magsisimula na ang kampanya ni Filipina Igorot Muay Thai fighter na si Islay Erika Bomogao sa ONE Championship sa darating na Nobyembre 8. Susubukan ng former SEA Games gold medalist at top-ranked -45kg fighter ng IFMA na i-bandera ang Pilipinas sa larangan ng Muay Thai.
Kamakailan ay ibinahagi ni Bomogao sa kanyang social media ang kapana-panabik na balita ng kanyang pagsabak sa ONE Championship suot ang kanyang gloves, na nagpapahiwatig ng kanyang kahandaang tanggapin ang paparating na hamon sa combat sport na ito.
“Nangarap talaga ako sa pagkakataong ito. It was not too long ago noong nanonood pa lang ako ng Team Lakay noon, and it’s really one of my dreams. Ang ma-achieve ko ito ngayon at nasa ganitong posisyon, I’m very fulfilled,” ani Bomogao.
Nakamit ng Bomogao ang status na no. 1 sa ilalim ng 45 kg na timbang ng international Federation of Muaythai Associations rankings sa edad na 23. Kaya naman masaya ito na irerepresentante niya ang bansa para sa Muay Thai sa One Championship.
“Masaya ako, at siyempre may pressure sa pagiging unang homegrown fighter na kumatawan sa Pilipinas sa Muay Thai para sa ONE Championship,” ayon pa kay Bomogao.
Kasama sa kanyang mga naging tagumpay ay ang pagkakapanalo niya ng mga gintong medalya sa parehong IFMA World Championship at Southeast Asian Games, kung saan nagpapakita ng kanyang husay at pangako sa sarili na balang araw ay magiging Champion ito sa larangan ng sports na kanyang pinili.
Ang pagkakapasok ni Bomogao sa ONE Championship ay lalo pang nagdagdag ng kasabikan ng mga kababayan niyang Igorot lalo na ng mga atleta na naging mahusay sa sports na ito, kabilang ang mga koponan tulad ng Team Lakay at Lions Nation MMA.
Sa pagsisimula niya din ngayon ng kanyang bagong kabanata sa kanyang karera ng combat sports na ito, ang kanyang koponan at mga tagasuportang Igorot ay umaasa sa kanyang magiging tagumpay sa debut fight nito sa One Championship.
Ang mga naging laban ni Bomogao ang nagsisilbing inspirasyon ngayon sa maraming naghahangad na maging MMA fighter kabilang ang kanyang mga kapwa Pilipino.
Susubaybayan ng buong bansa ang kanyang laban sa November 8 at habang siya ay nakikipaglaban nakasuporta sa kanya ang buong komunidad ng mga Igorot at pati na rin ang mga atletang Pilipino.
“Napakahalaga ng paggawa ng unang impresyon, lalo na sa mga naghahanap ng mga susunod aking mga yapak sa propesyong Muay Thai. May pressure dahil gusto kong bigyang daan ang lahat ng Muay Thai fighters sa Pilipinas," pagtatapos ni Bomogao.