Billiards: Carlo Biado sinargo ang korona sa Ho Chi Minh 9-Ball Open

Rico Lucero
photo courtesy: tribune sports

Hindi binigyan ng pagkakataon na manalo ni two-time WPA World Championship ruler Carlo Biado si Austrian Mario He,13-8, sa kanilang final showdown, pagkatapos niyang masungkit ang korona sa katatapos na (WPA) Ho Chi Minh 9-Ball Open na nilaro sa Vietnam nitong Sabado ng gabi. 

Nakuha din ni Biado ang premyong $40,000 (tinatayang aabot sa P2.2 milyon piso). 

Aminado si Biado na naging masaya siya sa kanyang pagkakapanalo sa championship subalit napagod din umano siya ng husto sa kanilang laban at inilarawan pa nito na para aniya siyang lantang gulay pagkatapos ng laro. 

“I feel exhausted, but happy I won the finals. Thanks to Mario for the good battle. He’s one of the best players in the world. Now, I need some rest,” ani Biado. 

Bago nakarating sa finals si Biado ay dumaan muna ito sa matinding bakbakan matapos itong mapasama sa listahan nang makakuha ng manipis na 11-10 semifinal win laban kay Sanjin Pehlivanovic ng Bosnia and Herzegovina.

Habang nakikipaglaban kay Pehlivanovic, naiisip na ni Biado na talo na siya pero nabuhayan ito ng loob nang magmintis ang kalaban sa krusyal na eight-ball shot.

“I thought it wasn’t my day, but I was surprised when he missed the 8-ball. I just got lucky in the semifinals,” dagdag pa ni Biado.

Si Biado ang reigning WPA World 10-Ball Championship king ngayon, matapos masungkit ang titulo sa WPA World 9-Ball Championship noong 2017.