Alex Eala at Coco Gauff, pasok sa Quarterfinals ng Italian Open

Hindi na napigilan pa ang pinagsamang lakas nina Alex Eala ng Pilipinas at Coco Gauff ng USA matapos silang makapasok sa quarterfinals ng 2025 Italian Open na isinasagawa sa Rome, Italy.
Walang nagawa ang homecourt bets ng Italy na sina Lisa Pigato at Tyra Caterina Grant matapos silang dominahin ng Eala-Gauff duo sa Round of 16, 6-2, 6-3.
Matikas ang naging performance nina Eala at Gauff kung saan naitala nila ang tatlong aces at 69% efficiency sa first serve, bukod pa sa apat na breakpoints na kanilang na-convert.
Bago ito, dinomina rin nina Eala at Gauff ang team nina Alexandra Panova (Russia) at Fanny Stollar (Hungary) sa first round noong Sabado, May 10, 6-3, 6-1.
Makakaharap ng Pinay-American tandem sa quarterfinals ang third seeds na sina Sara Errani at Jasmine Paolini ng Italy, na dumaan sa matinding laban kontra kina Leylah Fernandez (Canada) at Yulia Putintseva (Kazakhstan), 6-4, 4-6, 7-6.
Patuloy namang nagpapakitang-gilas si Alex Eala sa international stage, matapos na umangat ito sa No. 64 sa live WTA rankings — anim na puwesto ang tinaas mula sa kanyang career-high na No. 70 kung saan mayroon itong 897 points.
Samantala, nangunguna pa rin sa WTA rankings si Aryna Sabalenka ng Belarus na may 10,683 points.
