MPBL: Nueva Ecija Rice Vanguards nakuha ang Marcelino twins
Maglalaro na para sa Nueva Ecija Rice Vanguards sa susunod na season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang kambal na sina Jaycee at Jayvee Marcelino.
"Welcome to Nueva Ecija, Marcelino Twins!" banggit sa Facebook page ng NERV.
"Former MVP Jaycee Marcelino and his twin brother Jayvee Marcelino bring their explosiveness to Nueva Ecija. Dynamic. Relentless. Ready to dominate once again under the Rice Vanguards banner."
Noong 2022 championship reign ng Nueva Ecija, nakalaban nila sa Finals ang Marcelino twins na naglalaro pa sa Zamboanga Master Sardines.
Ngayong magkasama na ang Rice Vanguards at ang Marcelino twins, isang matinding contender ang nabuo ng Nueva Ecija na mayroon pang ibang bagong recruits.
Kasama sa mga bagong manlalaro ng NERV ay sina Dexter Maiquez, Ralph "Toci" Tangsinco, at Christian Manaytay.
Makakasama nila sa team ang mga mainstay na sina Will McAloney, Byron Villarias, Jonathan Uyloan at iba pa.
Sa bagong line-up ng Rice Vanguards, nagkaroon sila ng malaking tsansang makabalik sa Promised Land.