Exclusive: Ang pagkakabuo ng Masters Pinoy Pilipinas Basketball

Isang bagong basketball team nanaman ang umusbong mula sa Malayong Silangan sa bansang Pilipinas.
Makikita ang kaibahan nito kaysa sa alinmang karaniwang basketball team dahil ito ay binubuo ng mga may edad na 45-anyos pataas, mga beterano at mga kilalang basketball player sa bansa, kasama ang mga propesyonal sa kanilang napiling larangan na nagmamahal sa larong basketball.
Ito ay pinamumunuan ng isa sa mga legendary coaches ng Philippine basketball na si Coach Arlene Rodriguez.
Sa eksklusibong panayam sa kanya ng Laro Pilipinas, ibinahagi at ikinuwento ni Coach Arlene kung paano nabuo at sinimulan nila ang Masters Pinoy Pilipinas 45up Basketball, gayundin kung paano nila ito inorganisa at kung anong paraan ng coaching ang ginawa nila dito.
Nagbigay din siya ng ideya tungkol sa nalalapit na paglahok ng bansa sa World Masters tournament na gaganapin sa darating na Mayo.
Sinabi ni Coach Arlene sa Laro Pilipinas na kasama nila sa pagbuo ng Masters Pinoy Pilipinas 45up Basketball ang kanilang team manager na si Architect Rey Punongbayan, at assistant coaches na sina Dann Michael Ceneba at Albert Valbuena noong Oktubre noong nakaraang taon. At habang nagsisimula din silang magplano sa binubuong organisasyon, nagsisimula na rin silang mag-ensayo noong ikalawang linggo ng Disyembre, hanggang sinundan nitong Enero.
“Yung Masters Pinoy, sinimulan natin noong Oktubre. Pero sinimulan namin ang practice noong second week ng Disyembre, pagkatapos ay nagkaroon kami ng pag-uusap. Then we decided to start it again ngayong January,” sabi ni Coach Rodriguez.
Isa sa mga isinaalang-alang ni Coach Arlene ay ang conditioning ng mga players dahil ang mga manlalaro dito ay may edad na 45 pataas, ngunit mayroon pa ring skills at passion sa paglalaro ng basketball.
Ibinagi rin ng dating coach ng Formula Shell ang composition ng team na mayroong ex-professional players, amateurs, varsity players, at mga businessman na mahal ang larong basketball.
Dagdag pa ni Coach Arlene na hindi na siya nahirapan na hawakan ang kanyang mga players sapagkat may sapat na karanasan na ang mga ito sa paglalaro.
“Actually, mas madali silang maka-intindi kasi may experience na sila. Mentally din, handa na mga ito, madali na silang makasunod sa mga instructions, hindi tulad sa mga mas bata na kailangan pang i-detalye lahat. Ang kailangan lang namin i-work out ay yung conditioning nila, kasama na yung team effort sa opensa at depensa.”
Sa pagtatapos, humiling si Coach Arlene ng suporta mula sa ating mga kababayan.
“I hope suportahan niyo kami. Sa Masters Pinoy sa World Masters tournament sa Taiwan mula May 17th to 30th. At doon sa hindi pa naranasan na mag-represent ng bansa, sipagan lang kasi malay niyo kapag 40 o above na kayo, magkaroon kayo ng pagkakataon na maging bahagi ng team,” pagtatapos ni Rodriguez
Masasabi nating itinalaga na ni Coach Arlene ang kanyang buhay sa larangan ng basketball mula nang magsimula siyang maglaro sa ilalim ng JRC Heavy Bombers hanggang sa naging assistant coach siya sa mga sikat na koponan sa PBA tulad ng Formula Shell at Barangay Ginebra.
Si Coach Arlene ay kasalukuyang coach din ng TUP Greyhawks at humuhubog sa kinabukasan ng Philippine basketball sa pamamagitan ng kanyang mga grassroots program.
