UAAP: NU Lady Bulldogs target makuha ang ikalawang sunod na titulo

Isang araw bago ang pagbubukas ng UAAP Season 87 volleyball tournament, handa na ang National University (NU) na depensahan ang kanilang mga korona.
Target ng Lady Bulldogs na makuha ang kanilang ikalawang sunod na titulo habang tatangkain ng Bulldogs na makumpleto ang kauna-unahang five-peat sa men’s division.
Sinabi ni National University Lady Bulldog head coach Sherwin Meneses, handa na ang kanilang koponan para sa magiging laban nila sa UAAP.
“Bagong UAAP, bagong laban. Lahat ng teams nagpe-prepare so dun lang muna kami. Every game lang muna,” saad ni Meneses.
Samantala, iba naman ang pananaw ni NU Bulldogs coach Dante Alinsunurin na ang nais ay makamit ang Championship lalo na’t may pagkakataon ana umano silang mag-five-peat.
“Goal naman talaga namin every season is mag-champion talaga. May motivation lang kami kasi ngayon may chance kami mag-five-peat,” ani Alinsunurin.
Sa pagsisimula ng UAAP Season 87, nangako ang De La Salle University, University of Santo Tomas, Far Eastern University, Adamson University, Ateneo de Manila University, University of the Philippines, at University of the East na ibibigay ng mga ito ang magandang laban lalo na sa defending champion ng UAAP Season 86.
Sa Linggo, February 16, unang haharapin ng NU Bulldogs ang DLSU Green Spikers para sa men’s volleyball game, habang sa hapon naman ay makakaharap ng NU Lady Bulldogs ang DLSU Lady Spikers sa SM Mall of Asia Arena.
