Tropang Giga, buhay pa ang tsansa para sa matinding Game 7

Tila nabunutan ng tinik sa dibdib ang TNT Tropang Giga matapos nitong makuha ang panalo sa Game 6 kontra Barangay Ginebra, 87-83, para itabla sa 3-3 PBA Season 49 Commissioner’s Cup championship series kagabi, Miyerkules, March 26, sa Smart Araneta Coliseum.
Ikinatuwa din ni TNT head coach Chot Reyes ang kanilang pagkapanalo at binigyang pugay naman ang kanyang mga manalalaro na aniya ay ginawa ang lahat para makuha ang panalo kagabi.
“I said let’s just grab this opportunity. Go out there and play hard. If we lose, we lose but at least we’re not going to go down without a fight. Credit to the guys, they just gave it all,” ani coach Reyes.
Sa unang bahagi ng laro, kontrolado ng Gin Kings ang kalamangan. Gayunpaman, pagsapit ng second half, unti-unting bumawi ang TNT hanggang sa tuluyang maagaw ang pangunguna, lalo na sa third quarter. Dito, nagtayo ang Tropang Giga ng 10-point lead, 72-62, sa natitirang 8:46 minuto ng huling quarter. Gayunman, hindi nagpatinag ang Ginebra at muling nakabalik sa laban.
Sa natitirang 45.1 segundo ng laro, naibuslo ni TNT import Rondae Hollis-Jefferson ang dalawang free throws upang itulak ang Tropang Giga sa 82-79 na kalamangan. Gayunpaman, hindi sumuko ang Gin Kings, at sa huling 10.5 segundo, lumapit sila sa 83-85 matapos ang isang three-point shot mula kay Scottie Thompson.
Nanguna sa panalo ng Tropang Giga si Hollis-Jefferson na nagtala ng 23 puntos, 13 rebounds, anim na assists, at tatlong steals. Samantala, itinanghal namang Best Player of the Game si Rey Nambatac matapos mag-ambag ng 23 puntos, limang rebounds, at tatlong steals.
Sa kabila ng pagkatalo, pinuri ni Gin Kings head coach Tim Cone ang TNT sa ipinamalas nilang matibay at mahusay na laro sa Game 6 matchup.
“TNT was just better at it than we were tonight. But again, tonight they were better at it than we were. We played the game we wanted, but they were just better at it than we were tonight. They made big shots, they made big stops, forced turnovers on us. And we tried to stay in the game," ani Cone.
