PVL: Ikalawang panalo nasungkit ng ZUS Coffee kontra Galeries Tower

Rico Lucero
photo courtesy: PVL media

Humataw si Chinnie Arroyo ng ZUS Coffee ng 14 points para pataubin ang Galeries Tower, 25-22, 25-16, 25-15, sa 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference 2024-24 preliminaries nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 28, sa PhilSports Arena.

Nakagawa si Arroyo ng 11 attacks, two aces at one block para dalhin ang Thunderbelles sa ikalawang sunod na panalo sa kasaysayan ng prangkisa sa loob ng tatlong laro. 

“Na-hype lang po talaga ako dahil sa mga teammate ko. Maganda ang naging laro dahil sa tulong ni ate Jovy (Gonzaga) at Chai (Mondonedo). Malaki po ang naitutulong nila sa team. Ang mindset po namin ay ituloy-tuloy lang ang improvement naming.” ani Aroyo. 

Kinuha ng ZUS Coffee ang first set, 25-22, kung saan ipinoste nila ang 17-8 na kalamangan sa second frame sa likod nina Arroyo, Jovelyn Gonzaga, at Thea Gagate.

Naglapag din si Glaudine Troncoso 11 puntos habang si Gagate ay umiskor ng 9. Samantala, nag-ambag din sina Gonzaga at Michelle Gamit ng tig-7 puntos. 

Ito na ang ikalawang sunod na panalo ng koponan ni coach Jerry Yee matapos ang 21-game losing slump simula noong nakaraang dalawang conference at sa kanilang unang laro sa AFC.

“We are very excited na iyong potential nakikita and somehow naa-achieve. Slowly, maaga pa masyado eh, so step by step,” wika ni Yee. 

Samantala, nakapag-ambag naman sina France Ronquillo at Rosele Baliton ng tig-12 points para banderahan ang Highrisers.

Hindi naman naiwasang ma-excite ni Gagate nang makaharap nitong muli ang dati niyang teammate sa De La Salle University na si Julia Coronel noong UAAP Season 85. Ayon kay Gagate, masaya itong makita ang dati niyang teammate na malaki na ang pinagbago sa pagkakataong ito. 

“Exciting lang din kasi pinag-usapan namin ito before. Happy lang din ako sa na-improve ni Julia so far and excited lang din ako sa upcoming transition namin sa pro league,” sabi ni Gagate. 

'Yun 'yung personally 'yung goal ko ay makatulong talaga para makakuha ng panalo sa team namin. And although we're a new team, parang halos lahat puro bata, we just wanted to give a new energy for this conference,” dagdag pa ni Gagate.

Ang tinaguriang La Salle duo ay nagpatuloy noon ng pag-apply para sa inaugural ng PVL Draft, pagkatapos ng kanilang karera sa kanilang alma mater kung saan unang napili si Gagate para maglaro sa ZUS Coffee, habang si Coronel naman ay napili bilang ikatlong manlalaro sa Galeries Tower. 

Naglaro din ang dalawa para sa Alas Pilipinas bago ang kanilang PVL debuts na nakakuha ng mahalagang internasyonal na karanasan.

Samantala, magkikita muli sina Gagate at Coronel sa ikalawang round ng All-Filipino Conference sa susunod na taon.

Target ng Thunderbelles na makuha ang kanilang ikatlong sunod na panalo kontra Farm Fresh sa Huwebes, December 5, na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum.