PBA: Import ng Terrafirma Dyip na si Richards, papalitan na

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Papalitan na ng Terrafirma Dyip ang kanilang kasalukuyang import na si Ryan Richards. 

Kasunod ito ng hindi na magandang performance na ipinapakita ni Richards  sa paglalaro niya sa PBA mula ng magsimula ang PBA Season 49 Commissioner’s Cup. 

Nakahanap na rin ng kapalit ang Terrafirma kay Richards at ito ay si Brandon Edwards. Nagdesisyon ang Dyip na palitan na si Richards  dahil hindi na ito pumapabor sa sistemang ipinatutupad ng koponan. 

Ayon kay Terrafirma head coach, Raymond Tiongco, hindi na rin nakakatulong si Richards sa sistema ng laro nila lalo na nung harapin nila ang NLEX nitong Martes ng gabi kung saan ay hindi na ito pinalaro sa buong second half, at noong nakaraang Sabado naman ay sandaling oras lang naglaro si Richards laban naman sa NorthPort dahil sa pinsala sa likod. 

“Regarding sa import, last game na niya. We decided na last game na niya, actually. Talagang hindi siya pabor sa sistemang tinatakbo namin. He is too slow. Siya naman, aminado naman siya na hindi siya makakasabay sa gusto naming mangyari,” pagbubunyag ni coach Tiongco.

Inaasahan ng Dyip na makakapaglaro na si Edwards sa Biyernes, December 6, at susubukan nilang makasungkit ng unang panalo laban naman sa Meralco Bolts sa Ninoy Aquino Stadium.

Bukod pa rito, sinabi pa ni Tiongco na pamilyar na rin si Edwards sa sistema ng Terrafirma.  

“Biyernes, sana, nandito na 'yung import namin. Nasa Indonesia siya tapos he contacted us. 'Yung mga gusto sana namin, nasa US, kaso hindi aabot ng Friday. Hinabol ko siya today pero 'yung Indonesia team, medyo nalate 'yung release ng papers. 

“Bago siya umalis sa Indonesia, nagpapractice siya sa amin. Alam niya 'yung nira-run namin,” dagdag pa ni Tiongco.