PBA: Ikalimang panalo nasungkit ng Elasto Painters vs. Bossing

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Nasungkit ng Rain or Shine Elasto Painters ang kanilang panglimang panalo kontra Black Water Bossing, 122-106 sa kanilang laban kagabi, January 8, 2025 sa Philsports Arena sa nagpapatuloy na PBA Season 49 Commissioner's Cup. 

Dahil sa panalo, mayroon na itong 5-1 win-loss record, habang ang Black Water Bossing naman ay mayroong 1-6 win-loss sa team standings. 

Agad umarangkada ang Elasto Painters matapos ma-iposte ang 23-point lead, 39-16 sa second quarter, kung saan pagdating ng third quarter ay humataw ng puntos sina Adrian Nocum at Caelan Tiongson at nailayo ng mga ito ang lamang kontra Bossing, 87-70 sa huling tatlong minuto ng ikatlong quarter, hanggang sa tuluyan nang hindi isinuko ng Elasto Painters ang kanilang kalamangan sa fourth quarter matapos makapag buslo si Thompson sa huling 1:37 minuto, dahilan para lalong mapalayo ang lamang ng Elasto Painters sa kalaban, 118-101. 

Aminado si Rain or Shine coach Yeng Guiao na nag-alala ito dahil halos tatlong linggo ring naka-break ang kanilang koponan mula sa nakalipas na holiday break noong nakaraang taon bagaman hindi naman nagpabaya ang mga ito sa kanilang pag-eensayo.

“My primary concern at the beginning was how sharp are the guys going to be coming off almost a three-week break. We had good practices, but iba pa rin 'pag makikita mo sa laro, ani Guiao. 

Sinabi rin ni Guiao na sa simula ng laban ay nahirapan sila sa kanilang kalaban subalit hindi pumayag ang koponan na masilat sa kanila ang panalo. Dagdag pa nito na mahalaga sa kanila sa ngayon ang makarating sa susunod na round ng laro at kailangan nila maisiguro ang pitong panalo para magkaroon ng spot sa playoffs. 

“This is our first game in the new year, medyo concerned ako kung paano nila lalaruin 'yung first game namin. Sa amin ang importante makarating ng next round, Ang tingin namin seven wins will assure you of a slot in the playoffs. So we have five wins now,” dagdag pa ni Guiao. 

Samantala, nanguna sa laro ng Rain or Shine si Deon Thompson na umiskor ng 25 points, habang sina Adrian Nocum, Leonard Santillan, Anton Asistio at Caelan Tiongson nakagawa ng 22, 20, 18, at 11 points. 

Sa Sabado, January 11, susubukan ng Rain or Shine na makasungkit muli ng panalo kontra Phoenix Fuel Masters, habang ang Black Water Bossing naman ay susubukang makakuha ng panalo laban sa Barangay Ginebra sa darating na Linggo, January 12.