PBA: Christian Standhardinger, magreretiro na
Mas pinili na lang ni power forward/center Christian Standhardinger na magretiro na at hindi na maglaro sa ilalim ng uniporme ng Terrafirma Dyip at tapusin ang kanyang kontrata hanggang sa katapusan ng taong ito.
Ito ang sinabi ni Terrafirma team governor Bobby Rosales. Ayon kay kanya, kinausap pa nila ang Gilas player subalit nagpasabi na lang ito sa kanila na plano na niya talagang mag-retire.
Sinabi pa ng dating PBA board vice chairman na wala na silang magagawa kung ayaw na ni Standhardinger na maglaro at iginagalang na lang nila ang naging desisyon nito.
"He notified us that he is planning to retire already. Magre-retire na lang daw siya. We talked to him, pero mahirap kapag ayaw nang maglaro. Anong gagawin natin? Kahit na anong pilit mo, kung ayaw nang maglaro, e," ani Rosales.
Si Standhardinger ay hindi na rin sumasama sa mga practice ng Terrafirma at hanggang sa pagbubukas ng PBA Commissioner’s Cup nitong Miyerkules ng gabi sa Pasig City ay wala na rin ito sa koponan kung saan natalo ang Dyip kontra FiberXers sa score na 116-87.
“Hindi na. Si C-Stan, no comment. Alam ninyo na yun,” sabi naman ni Terrafirma head coach Raymund Tiongco
Matatandaang si Standhardinger ay naglaro lamang ng anim na laro sa kasama ang Dyip sa season-opener na Governors’ Cup noong Agosto.
Sa kabila ng limitadong oras ng paglalaro, pinangunahan pa rin nito ang Terrafirma sa scoring na may 16.33 points na average at 53.5 percent shooting mula sa field.
Huling naglaro si Standhardinger sa Dyip nang makasagupa nila ang Northport Batang Pier at natalo sila nito sa score na 133-107 noong Setyembre 8 kung saan nagtamo siya ng injury sa tuhod.
Hindi na rin umusad ang Terrafirma noong nakaraang conference at natapos ang kanilang kampanya na may 1-9 win-loss record at nabigo nang umabante sa playoffs.
Si C-Stan ay dati na ring naglaro sa ilalim ng Barangay Ginebra at nanalo na rin ng apat na PBA championships, dalawang PBA Best Player of the Conference awards, at isang PBA Finals MVP noong 2022-2023.