Manny Pacquiao, negatibo sa drug test bago ang laban kay Barrios

Negatibo sa drug test results mula Voluntary Anti-Doping Association (VADA) si Filipino boxing legend Manny “Pacman” Pacquiao.
Ito ang inihayag ni WBC President Mauricio Sulaiman tungkol sa resulta ng VADA ni Pacquiao, isang buwan bago ang nakatakdang laban nito kay Mexican boxer Mario Barrios sa July 19.
Si Sulaiman ang mariing nagsusulong sa mga boksingero lalo na sa katulad ni Pacquiao para upang maging malinis sa mga ipinagbabawal na sangkap sa mga iniinom na bitamina o pampalakas ng mga boksingero.
Bahagi na rin ito ng programa ng WBC sa pakikipagtulungan ng VADA para sa taunang random testing, kasama ang pinalawig na 6 hanggang 12 linggo bago ang laban at ang karagdagang testing sa loob ng 30 days bago ang laban, kahit maging sa mismong araw ng laban.
Samantala, wala pang inilalabas sa publiko ang kampo ng Mexican boxer na si Mario Barrios.
Sa taong ito susubukan ng “Pambansang Kamao” na muling magkampeon para burahin ang dati na nitong rekord na ‘oldest welterweight titlist’ matapos mag kampeon sa World Boxing Association (WBA) 147-pound title kay Keith “One Time” Thurman noong Hulyo 20, 2019 sa MGM Grand via split decision.
Magugunitang huling nakalaban ni Pacquiao sa professional boxing ang Cuban boxer na si Yordenis “54 Milagros” Ugas na nagtapos sa 12-round via unanimous decision at pumabor sa dating Olympic bronze medalist noong Agosto 21, 2021 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.
“Just got notification from @vada_testing with negative result for @mannypacquiao,” Sulaiman posted on Instagram, alongside an inspiring photo of Pacquiao in training.
