Larga Pilipinas, balik-arangkada sa darating na Agosto

Pagkatapos ang matagumpay na pagsasagawa ng MPTC Tour of Luzon nitong nakalipas na Abril, muling aarangkada ang Larga Pilpinas kung saan inaasahang nasa higit 10,000 mga siklista ang lalahok para sa isang six-stage race na magsisimula sa Agosto 2 sa Cabanatuan City, Nueva Ecija at magtatapos sa Agosto 7 sa Baguio City.
Layunin ng Larga Pilipinas na mapalago at gawing mas popular ang sport ang pagbibisikleta.
Ayon kay Atty. Froi Dayco, chairman ng Larga Pilipinas, magkakaroon ng hindi bababa sa 10 propesyonal na koponan ang karera, kabilang na ang mga kilalang pangalan tulad ng Go for Gold, Standard Insurance-Navy, Excellent Noodles, D-Reyna Orion Cement, at ang bagong Tour of Luzon team champion na Metro Pacific Tollways Drivehub.
Umaasa din si Dayco na magiging maganda ang panahon sa Agosto upang ligtas sa anumang kapahamakan ang isasagawa nilang torneo.
“Part of the challenge is the weather condition and the hazardous, slippery road when it rains,” “That’s why we hope and pray that the cycling gods give us good weather this August,” sabi ni Dayco.
Paliwanag naman ni Sunshine Joy Vallejos, ang elite commissaire ng PhilCycling, na magiging karera ng mga climber ang ‘Larga Pilipinas’ dahil apat sa mga stage ay magkakaroon ng pag-akyat, kung saan ang unang dalawang yugto ay magiging medyo patag—197kms Cabanatuan-Cabanatuan Stage 1 at 146kms Cabanatuan-Mangaldan Stage 2.
Mula doon, aakyat ang lahat sa pamamagitan ng 146kms Mangaldan-Bayombong Stage 3, kasunod ang 95.2kms Bayombong-Banaue Stage 4, ang 83.1kms Banague-Sagada Stage 5 at sa wakas ang 142kms Sagada-Baguio Stage 6.
“This race is practically for climbers but it will still depend on how the team will strategize,” ani Vallejos.
