Korean rider Dae-yeong Joo kampeon sa Tour of Luzon 2025

Tinanghal na overall champion sa Tour of Luzon ang dayuhang si Joo Dae Yeong ng Korea matapos na makumpleto nito ang 177.5-kilometrong Lingayen to Baguio City ng Stage 8 MPTC Tour of Luzon.
Kinapos lang ng anim na segundo ang Pinoy rider na si Jan Paul Morales kung saan nakuha naman nito ang pangalawang puwesto.
Aminado naman ang Korean rider na miyembro ng Gapyeong Cycling Team na wala aniya siyang etratehiya at game plan kundi sinikap lang umano niyang makuha ang panalo sa tournament na ito.
Sinabi pa ni Joo na bahagi ng kanyang napanalunang premyo ay para din sa kanyang mga teammates
“I have no game plan since Stage 1. I just push and push and no looking back, I just share this money to my teammates,” ani Joo.
Naungusan ni Joo ng anim na segundo si Jan Paul Morales sa overall individual standings, kung kaya naman nakuha lang nito ang ikalawang pwesto.
Sinabi ni Morales na kung sakali umanong siya ang makakuha ng kampeonato ay magreretiro na ito sa Cycling.
“Sabi ko kapag nag-champion ako, magre-retire na ako. Pero hindi pa ako nagcha-champion, so may isa pa ako,” ani Morales.
Magugunitang si Morales ay una nang sumemplang sa huling 400 meter ng Stage 1 sa Paoay na nagresulta sa panalo ni Joo.
