Ikalawang panalo nasungkit ng Bolts vs. Busan KCC Egis
Nakuha ng Meralco Bolts ang kanilang ikalawang panalo East Asia Super League (EASL) Home and Away Season 2 kontra Busan KCC Egis, 81-80, sa Philsports Arena noong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 13.
Si Akil Mitchell, ang pumalit sa nagretirong si Allen Durham para maging reinforcement ng Meralco Bolts sa torneo, kung saan pinangunahan nito ang Bolts sa pamamagitan ng kanyang 33 puntos na sinalubong pa ng kanyang split free throws sa huling 6.4 segundo na sumelyo ng kanilang laro. Kasabay nito humakot din siya ng 22 rebounds sa kanilang come from behind victory.
Si Mitchell ay makakasama na rin ng Meralco bilang kanilang Commissioner's Cup import.
Bukod kay Mitchell, si DJ Kennedy ay nagdagdag ng 14 points, limang assists, at dalawang steals habang ang team captain naman nilang si Chris Newsome ay nakaiskor pa ng walong puntos bago ito ma-fouled out sa mga mahahalagang minuto ng fourth quarter.
Sa mga unang minuto ng laro sa opening quarter ay palitan na agad ng kalamangan ang magkabilang koponan subalit nangunguna ang Busan KCC hanggang sa unti-unti na itong nahabol ng Bolts, hanggang sa ang KCC ay umabante ng 11 puntos bago matapos ang first half mula sa windmill slam ni Deonte Burton na nagtapos sa laro na may 26 na marka.
Sa ikatlong salvo ng laban, pinangunahan ito ng Meralco Bolts sa pamamagitan ng 7-0 run para ibaba sa apat ang kalamangan at dito na napilitang tumawag ng maagang time-out ang KCC. Gayunpaman, tinapos pa rin ng Egis ang ikatlong frame na may 68-63 lead.
Pagdating sa fourth period, patuloy na nagpakita ng agresibong laro ang Busan bago naka-convert si Mitchell ng back-to-back and-one plays.
Ang una ay laban kay Burton, na fouled out din sa laro habang may natitira pang 4:03. Pagkatapos, gumawa naman ng krusyal na block si Chris Newsome bago nagawa ni Mitchell ang kanyang ikalawang three-point play para itabla ang laro sa 75 habang may 3:16 minuto pang natitira.
Matapos ang panibagong palitan ng baskets, muling naitabla ng ni Bong Quinto ang laro sa 80 sa pamamagitan ng isang three-pointer sa huling 30.9 segundo ng oras.
Dito na nabigo ang KCC na i-convert ang kanilang huling attempt at ang bola ay na rebound ni Mitchell. Sinubukan itong agawin ni Leon Williams ngunit tinawagan siya ng foul na humantong sa huling dalawang free throws ni Mitchell.
Nanatiling walang panalo ang KCC pagkatapos ng dalawang laro sa Season 2.
Muli namang maghaharap ang dalawang koponan sa pagho-host naman ng Egis sa Bolts sa Disyembre 18 sa Busan Sajik Gymnasium, sa South Korea.
The Scores:
Meralco 81 – Mitchell 33, Kennedy 14, Newsome 8, Quinto 8, Kouame 8, Hodge 6, Banchero 4, Caram 0.
Busan 80 – Burton 26, Heo 14, Lee G. 14, Lee S.H. 9, Williams 9, Jung 6, Lee H.Y. 2, Yeo 0, Epistola 0.
Quarters: 20-26; 42-53; 63-68; 81-80.