Hong Kong Eastern, tinalo ang Phoenix sa pagbubukas ng PBA Season 49 Commissioner’s Cup
Tinalo ng Hong Kong Eastern ang Phoenix Fuel Masters para masungkit agad ang kanilang unang panalo, 102-87, sa Philippine Basketball Association o PBA Season 49 Commissioner’s Cup nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 27 sa Philsports Arena sa Pasig.
Hindi nakitaan ng pagkabahala ang HK Eastern sa simula pa lamang at inasikaso na lamang ang kanilang pakay para makuha ang 1-0 standing habang ang Fuel Masters ay nahulog naman sa 0-1 standing.
Bago matapos ang first half ay apat puntos lang ang kalamangan ng HK Eastern at pagpasok ng third quarter ay doon na sila umarangkada ng husto para mailayo ang kanilang kalamangan.
Bagaman pinilit ng Phoenix na maitabla ang laban subalit lalo namang hinigpitan ng HK Eastern ang kanilang depensa kung saan lumobo sa 21 points ang kanilang kalamangan.
Nanguna sa panalo ng HK Eastern si Cameron Clark, na naglaro noon sa San Miguel at NLEX, at nagtala ng double-double na 25 puntos, 11 rebounds, dalawang steals, at dalawang blocks.
Umarangkada naman si Hayden Blankley ng 18 markers, at nagbigay ng limang assists, kumuha ng walong rebounds at nakapagtala ng tatlong blocks matapos ang kanyang pagbabalik sa PBA pagkatapos lumipas ng halos dalawang taon noong natalo ang Bay Area Dragons sa Ginebra sa 2022-23 PBA Commissioner's Cup Finals.
"We are happy to join the PBA. Actually, we are not the same [because] I saw some comments that we are like Bay Area 2.0. We are not. We are really pure Hong Kong team with some additional power," ayon kay Eastern coach Mensur Bajramovic.
"For us, it means a lot but of course, we need to adjust because this is our first experience here,” dagdag pa ni Bajramovic.
Tumulong din si Glen Yang sa kanilang panalo ng mag-ambag ito ng 13 puntos, pitong assists, anim na rebounds, at dalawang steals, habang si Kobey Lam ay gumawa ng walong markers, tatlong boards, at tatlong dimes.
Ang Fuel Masters ay nakagawa lang ng 2-of-13 sa three-point area at gumawa ng mas maraming turnovers (23) kaysa sa assists (17).
Samantala, nanguna naman para sa Phoenix ang import na si Donovan Smith na may 33 markers, 11 boards, at dalawang deflections, ngunit ang kanyang mga pagsisikap ay nawalan ng saysay dahil sa dami ng kanilang turnovers at mababang three-point shooting na naging sanhi ng kanilang pagkabigo.
Nagtala naman si Jason Perkins ng 22 puntos, limang rebounds, apat na assists, at dalawang steals para sa Fuel Masters.
Ang mga Iskor:
Eastern 102 – Clark 25, Blankley 18, Yang 13, Cheung 11, Lam 8, Cao 8, Xu 8, Guinchard 5, Leung 3, Chan 3, Sulaiman 0, Pok 0.
Phoenix 87 – Smith 33, Perkins 22, Rivero 10, Alejandro 8, Tuffin 4, Garcia 3, Ballungay 2, Manganti 2, Tio 2, Jazul 1, Camacho 0, Daves 0, Ular 0, Muyang 0, Verano 0.
Quarter Scores: 23-14, 49-45, 77-65, 102-87.