Creamline, natalo sa lakas ng Kazakhstan sa AVC Champions League

Hindi nakaporma ang Creamline Cool Smashers matapos na matalo kontra Kazakhstan Zhetysu VC sa 2025 AVC Women’s Champions League kagabi, Abril 21, sa Philsport Arena.
Aminado ang team captain ng Cool Smashers na si Alyssa Valdez na nahirapan ang Creamline sa Kazakhs team dahil sa height advantage ng kalaban at halos lahat sila aniya ay mga skilled players na kung saan nakapagtala ang mga ito ng score na 16-25, 17-25, 17-25.
"Kazakhstan is really a good team. They are very tall and skilled players. But, I guess we have to polish a lot of things pa rin sa side namin in this game. I guess at the end of the day, we have to stick with our system pa rin and listen to our coaches. Kasi, this team [Kazakh] is very exposed and well experienced din, so kailangan kami rin," ani Valdez.
Ito na ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Pilipinas sa continental tilt matapos na matalo din ang kapwa PVL squad na Petro Gazz Angels kontra naman sa Kaohsiung Taipower ng Chinese Taipei.
Pinangunahan ni American import Erica Staunton ang Cool Smashers na may siyam na puntos, habang sina Anastassiya Kolomoyets at Anastasiya Kudryashova ay mayroong anim at limang puntos. Pinangunahan naman nina Valdez at Bernadeth Pons ang mga lokal na may tig-apat na marka.
Samantala, nanguna naman sa panalo ng Kazakh si power winger na si Tatyana Nikitina na nagtala ng 14 puntos.
Mamayang hapon naman ay makakalaban ng PLDT High Speed Hitters ang Thailand, habang ang Petro Gazz Angels naman ay makakalaban ang Hong Kong mamayang gabi.
