Consistency ni Scottie Thompson sa Finals, malaking tulong para sa Gin Kings

Rico Lucero

Kung mayroon mang sa koponan sa Barangay Ginebra na tuloy-tuloy at consistent ang performance sa PBA Season 49 Governors' Cup Finals, ito ay ang dating MVP at guard na si Scottie Thompson.

Bago pa man magsimula ang Finals, ibinahagi na ni Thompson ang kaniyang naging karanasan at kanyang saloobin tungkol sa Governors’ Cup Last Dance sa Laro Pilipinas.

Ayon kay Thompson, masaya siya at ang kanilang koponan dahil nakabalik  sila sa Finals pero hindi pa dito nagtatapos ang kanilang trabaho. Pagkatapos ng nakakapagod na serye kontra  San Miguel Beermen sa semi-final round, sinabi ni Thompson na parehong intensity ang kanilang dadalhin sa championship round.

Sinabi rin ng seven-time PBA champion na inaasahan nila na mas magiging mahigpit na serye ang mangyayari sa laban nila kontra TNT Tropang Giga lalo na't hindi na iba sa kanila ang klase ng ipinapakitang laro nito. 

"Same intensity. We are just happy na nakabalik kami sa finals. The job is not yet done. We know na mas tougher series to specially both teams know each other," sabi ni Thompson sa Laro Pilipinas.

Bagaman totoong nahirapan ang Ginebra sa unang dalawang laro ng serye para ma-down 0-2 sa kanilang match-up sa TNT. Ngunit nakabangon si Thompson at ang Gin Kings sa kanilang sumunod na dalawang laban upang itabla ang serye sa 2-2. Subalit nitong Game 5 sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakakuha muli ng panalo ang Tropang Giga. 

Ibinahagi din ng two-time Finals MVP na diskarte na ang mga manlalaro kung paano nila isasagawa ang gameplans na itinuro para sa kanila at dito sinabi na depensa ang magiging susi sa kanilang tagumpay.

Sinabi rin nitong ibibigay pa rin niya ang lahat para matulungan ang kanyang koponan na makuha ang panalo.

"Well, expect na lang nila hundred percent effort ang ibibigay ko sa game. Whatever the result is as long as we end up with a W ok na kami dun," pagbabahagi pa ni Thompson.

Ang mga binanggit ni Thompson ay siyang nagpapakita naman ng kanyang laro sa pamamagitan ng kanyang mga naitalang double figures average sa Finals. Naabot din niya ang isang career milestone nang makuha niya ang kanyang ika-2,000 career defensive rebounds sa Game 4.

Mamayang gabi, kailangan ng Ginebra si Thompson para ituloy ang kanyang makabuluhang laro at puwersahin ang TNT Tropang Giga sa Game 7 sa Linggo, Nobyembre 10, sa Antipolo City.

Mamayang 7:30 ng gabi na ang Game 6, sa Smart Araneta Coliseum.