Casimero, pinaghahandaang muli ang laban sa Oktubre
Nagiging matunog na muli ang pagbabalik sa boksing ni dating three-division world champion John Riel “Quadro Alas” Casimero, ito ay dahil sa lalabanan ni Casimero sa Oktubre si Saul “The Beast” Sanchez sa Japan.
Matatandaang mag-iisang taon nang bakante si Casimero mula nang huli itong lumaban kay Yukinori Oguni noong nakaraang taon kung saan nahinto ang kanilang laban matapos mauwi sa fourth round technical draw ang laban dahil sa aksidenteng pagsalubong ng kanilang mga ulo na nagresulta sa pagkakaroon ng malaking sugat ng Japanese boxer kung kaya inihinto na ng referee ang laban.
Bago ang naturang planong laban ay naging laman rin ng iba’t ibang kontrobersiya ang 35-anyos na tubong Ormoc City, Leyte kasama ang kapatid at trainer na si Jason, nang mapasok sa bangayan sa kampo ng MP Promotions at presidente nitong si Sean Gibbons.
Si Casimero ay nasa no. 5 rank ngayon sa WBO, no. 8 naman sa World Boxing Council at no. 11 sa International Boxing Federation na pare-parehong hawak din ni undefeated champion Naoya “The Monster” Inoue ng Japan.
Sa ngayon, hawak ni Casimero ang record na 33 fights 4 wins at 1 loss kung saan 22 sa mga panalo niya ay mga knockout.
Naging malamlam ang kasikatan ni Casimero mula nang mawala sa kaniya ang WBO belt at nang makipaghiwalay ng landas sa MP Promotions matapos labagin ang kautusan ng British Boxing Board of Control ukol sa pagsusuot ng sauna suit sa nakatakdang laban sana nito Paul Butler.